Iginiit ng isang senador na dapat na ipaubaya na lamang sa hukuman ang usapin ng pagpapalaya kay U.S. Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.

Ito ang naging reaksyon ni Senate President Vicente Sotto III, kahapon.

Dapat aniyang manaig ang rule of law sa kaso ni Pemberton na hinatulang makulong dahil sa pagpatay sa transwoman na si Jennifer Laude sa Olongapo City noong 2014.

“As regards Pemberton, he was imprisoned in accordance with the law, and his release should also be under our laws. We are a government of laws, and not of emotion. They must apply to all with Lady Justice blindfolded, without regard to nationality. Let our courts decide,” pagbibigay-diin ni Sotto.

Probinsya

10 kaso ng MPOX, naitala sa South Cotabato

Inilabas ni Sotto ang pahayag sa gitna ng matinding protesta ng publiko sa kautusan ng Olongapo City Regional Trial Court na palyain na si Pemberton sa pamamagitan ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Nitong Biyernes, nakabinbin pa ang pagpapalaya kay Pemberton dahil sa pagsasampa rin nila ng motion for reconsideration bilang pagtutol sa nabanggit na desisyon ng korte.

Nauna nang tumanggi si Sotto na magkomento sa usapin kaugnay nang paggamit sa GCTA sa pagpapalaya sana kay Pemberton.

Kaugnay nito, inihayag ng Bureau of Corrections (BuCor) na bitin pa ng 10 buwan ang pagkakakulong ni Pemberton.

Katwiran ng BuCor, hindi magtugma ang kanilang computation sa GCTA ni Pemberton sa kuwenta ng naturang hukuman.

Paglilinaw ng BuCor, hindi nila isinama ang isang taong pagkakakulong ni Pemberton bago masintensiyahan noong Disyembre 2015 at hindi pa nila hawak ang sundalo.

-Vanne Elaine P. Terrazola, Leonel Abasola at Beth Camia