Hindi nagustuhan ng ilang kilalang film producer at director ang paghikayat ng pamunuan ng The Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa Senado na bigyan sila ng otoridad para ma-review muna nila ang lahat ng pelikula/drama series na ipalalabas sa lahat ng online streaming’s tulad ng Netflix, iflix at iWant.
Base sa panayam ng hepe ng MTRCB na si Ms Rachel Arenas sa Teleradyo ay, “It’s not to curtail their freedom, it’s actually to empower our viewers especially now ‘yung mga tao karamihan (majority) are working from home.”
Dagdag pa, “In fairness with them, they’re willing to collaborate and cooperate with us. They agreed naman that they’re going to look at our guidelines and Iassured them that we’re not going to give you a hard time.”
Nabanggit pa na hindi raw sila ganu’n kahigpit tulad sa South Korea, magre-rely ang MTRCB sa gusto ng publiko.
Ayon pa kay Ms Arenas, “Iba iba ang kultura ng bawat bansa (culture is different in every country), [in South Korea] they review every material that comes out in Netflix that’s why delayed sila ng 6 months or even a year.
“Yung sa akin kasi Idon’t want na pag naririnig nila ang MTRCB nega na agad. Parang galit sila agad. Iba naman ang MTRCB ngayon, the times have changed.”
Hiningan namin ng reaksyon ang kilalang film producer at director ng pelikulang Belle Douleur na pinagbidahan nina Mylene Dizon at Kit Thompson na si Atty. Joji V. Alonso ng Quantum Films.
Ang sagot sa amin, “Res ipsa loquitor. The law is very clear. Until and unless the same is amended by a new law, the jurisdiction of the MTRCB does not include online streaming.”
Nasa Netflix ang isa sa pelikulang prinodyus ni Atty. Joji, ang All of You nina Derek Ramsay at Jennylyn Mercado na kasama sa 2017 Metro Manila Film Festival na idinirek ni Dan Villegas.
Ang paniniwala naman ng movie producer at director na si Direk Perci M. Intalan ng IdeaFirst Company ay malabong magawa ito ng MTRCB dahil maraming content.
“Hmm parang impossible kasi to do it fairly. Una, ang daming content, pangalawa maraming galing sa ibang bansa. Hindi naman puwedeng hindi applicable to all. Radio nga hindi covered ng MTRCB dahil rin sa dami,” sabi ni PMI (tawag namin kay direk Perci).
Ang mga pelikulang produced ng IdeaFirst Company at line produced nila sa Regal Entertainment at Viva Films ay palabas na sa Netflix ay ang The Girl Allergic Sa WiFi, Sleepless, Distance, Die Beautiful, Born Beautiful, Unforgettable, UnTrue, My Fairy Tail Love Story, Mr and Mrs Cruz, Pambansang Third Wheel, Bakit Lahat ng Gwapo May Boyfriend.
Sabi pa sa amin ni direk Perci, “Awa ng Diyos naging suki na sa Netflix ang IdeaFirst.”
Natawa kami sa maanghang na sagot ni Direk Sigrid Andrea Bernardo na nagdirek ng mga pelikulang Kita Kita, Untrue, Mr. and Mrs Cruz, Lorna, Anita’s Last Chacha, Nono, Cucheras, at iba pa.
“Tigilan na nila kamo ‘yan. Pag-aralan muna mga hakbang na ginagawa. Hindi ‘yung kung anu-ano ang naiisip. Nakakahiyang desisyon ‘yan!” ani direk Sigrid.
Bukas ang espasyong ito para kay Ms Rachelle Arenas.
-REGGEE BONOAN