IBA pala ang trip ni Kathryn Bernardo kapag nalalasing dahil tumatalon sa pool ng naka-pajama kasama ang best friend for life na si Arisse de Santos.
Nasa Melbourne, Australia na ngayon ang influencer/blogger/vlogger ni Kathryn na si Arisse kaya sa pamamagitan ng virtual sila nagka-tsikahan with matching inom-inom ng wine at binalikan ang kanilang mga nakaraang tryst nang magbakasyon sila sa El Nido, Palawan kasama sina Khalil Ramos, Daniel Padilla at ibang kaibigan nila.
Anim na taon ng magkaibigan sina Kathryn at Arisse (2014) at aminado ang aktres na sobrang na-miss niya ang bff niya dahil wala na sa tabi niya.
Sa latest vlog ni Kathryn na may titulong ‘Wine Night with My Best Friend: Unearthing Old Photos’ ay nabanggit niyang mahirap ang LDR (long distance relationship as friends), “Ang hirap kaya ng LDR kasi dati si Arisse parati kaming magkasama sa lahat. As in nails, events, or ‘pag dito sa bahay kapag magpapa-hair kami as in lahat. So ang weird na wala siya ngayon sa totoo lang, tapos si Tinna rin nasa San Francisco (USA) na, iniwan nila ako.
Nag-reminisce ang dalawa ng mga unang taon nilang magkaibigan sa pamamagitan ng mga litratong kuha nila noon na unang nagkakilala pala ang dalawa sa shooting ng pelikulang Sisterakas (2012-MMFF entry ng Star Cinema) bilang anak ni Ai Ai de las Alas.
Hanggang sa naging close na sila at inimbita ni Kathryn si Arisse sa kanyang debut na ang konsepto ay dog party kaya ang larawan nila ay pareho silang may hawak na fur baby na pinangalanang Dash at Whiskey.
“This is memorable kasi after that (debut party) kasi nagpupunta na siya sa bahay, nagte-text na kami at nagtuluy-tuloy na kaya we really liked this photo kasi diyan nagsimula ang lahat-lahat,” balik-alaala ng aktres.
Ayon naman kay Arisse ay kaya sila naging close ni Kathryn ay dahil pareho silang mahilig sa animals, “then biglang nag-click ‘yung pagka-arte natin, ha, ha, ha.”
Hirit ni Kath, “pero mas maarte sa akin si Arisse.” “Sinu-support mo naman ako, ha, ha, ha,”tumawang sabi naman ng kaibigan.”
Nagtugma talaga ang mga ugali nila dahil halos nasa iisang neighborhood lang sila, pareho sila ng mga hilig at kung paano sila pinalaki ng kanilang mga magulang.
May ipinakitang larawan si Arisse na nasa El Nido sila, “ito kung paano natin biningyagan ang El Nido.”
“Oh my God, nahanap mo ito?” gulat na sabi ni Kathryn na may ipinakitang wine na nasa lamesa.
“Nagsimula ‘yan sa wine. Kasama nito sina Ate Nina, si Khalil, DJ, Arisse, ako. Lima kami. And then nu’ng gabi na, after dinner, sabi namin, tara wine tayo.
“Tapos nag-order, nag-order. Parang naka-three bottles ata kami nu’n. Tapos sobrang lakas. Tapos kami lang umiinom nu’n ni Arisse kaya bumagsak.
“Tapos wala si DJ nu’n. Bumalik siya du’n sa room. Tapos nag-end na ‘yung night na ‘yun tapos naka-pajamas na kami ni Arisse tapos tumalon kami sa swimming pool.
“As in hindi ko alam kung bakit kami tumalon. Nu’ng tumalon kami, the next day kaya pala gulat na gulat sina Ate na mga nandu’n sa El Nido tapos tumatawa sila. Siguro sabi nila ‘Ah ‘yun ‘yung dalawang lasing nu’ng gabi,” tawa ng tawang kuwento ni Kathryn.
Sabi pa ng dalaga, “Tumalon kami naka-pajama tapos si DJ kita ko, tumatakbo ganyan. Galit na galit. Tapos kinuha ako ganyan. ‘Ano ba naman ganyan, ganyan’.
“Kasi si DJ, ayaw niya kapag nalalasing kami ni Arisse. Okay lang sa kanya uminom kami ni Arisse pero kapag kasi kami ni Arisse magkasama, parating lasing, parating hindi normal. Parati kaming sumosobra.
“Ang justification namin natin diyan is bihira lang tayo makapagsama or like mag-relax. So the time na magkasama tayo, we go all out.
“Kasi nga busy ako, so minsan-minsan lang ‘yun. So ‘yung minsan-minsan, make it worth it. For me, the secret talaga is balance, yes compromise.”
May kuha rin si Kathryn na kapag nalalasing sila ni Arisse sa bahay nila ay nakadukdok ito sa inidoro na talagang tawang-tawang inalala nilang dalawa.
“Remember nu’ng nandoon ako sa bahay n’yo first time kong mag-hang out tapos si tita Mhin (mommy ni Kath) nandoon sa banda ro’n tapos sabi niya, sino ba yung maingay?” say ni Arisse.
Dugtong naman ni Kathryn, “kasi si Arisse po kapag nakilala n’yo ang ingay-ingay tapos ang arte-arte kaya si mama tinatanong siya, hayun, para na siyang anak ni mama. Adopted Bernardo and adopted De Santos din ako.”
-REGGEE BONOAN