Humakot agad ng dalawang milyong views ang themesong ng pinakabagong Kapamilya teleserye na Ang Sa Iyo Ay Akin na inawit ng walang kupas na bandang Aegis.

Dama ng netizens ang matapang na musika at markadong boses ng Aegis, na anila’y swak bilang theme song ng teleseryeng pinagbibidahan nina Jodi Sta. Maria, Iza Calzado, Sam Milby, at Maricel Soriano, at mapapanood sa Kapamilya Channel at sa Kapamilya Online Live.

Pasok na pasok ang tema ng kanta sa istorya at matitinding eksena ng teleserye lalo na sa binabalak na paghihiganti ni Marissa (Jodi), ngayong nakalabas na siya ng kulungan matapos akuin ang kasalanan ng dati niyang best friend na si Ellice (Iza) para protektahan ang imahe ng pamilya nito.

Sanib-pwersa sina ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo at ang TV Patrol anchor na si Bernadette Sembrano sa pagsusulat ng Ang Sa Iyo Ay Akin para sa Star Music, na unang orihinal na kanta ng Aegis makalipas ang ilang dekada.

Events

It's Showtime nagbigay-pugay kina Pilita Corrales at Nora Aunor

“Bilang journalist palaging tungkol sa storya, ‘di ba? ‘Yung madiskubre yung paraan ng pagku-kwento sa ganitong paraan, sobrang exciting para sa ‘kin. ‘Yung makapagkwento gamit ang musika, iba ang impact,” ani Bernadette.

“Noong unang nakita ng Aegis, sabi nila ‘parang kami ang may gawa nito!’ May katapangan sa lyrics, tapos yung melody niya videoke-ready,” kwento naman ni Jonathan.

Umani ng iba’t ibang reaksyon ang kanta mula sa netizens dahil sa matinding emosyong hatid nito.

“Grabe ang lyrics ng kanta, punong puno ng hinagpis, poot, at galit. Pero mas pinatindi pa dahil Aegis ang kumanta. Pak na pak! Add-on na naman sa music list ko ‘to,” comment ni Shawn Pintor sa music video ng kanta sa YouTube.

“Grabe talaga ang Aegis... sobrang saludo sa paglagay ng napakaraming emosyon sa kanilang mga kanta magpahanggang ngayon. Tagos na tagos sobrang hugot,” sabi naman ni Freya Natalia Montenegro.

Maging matapang sa gitna ng pagtataksil at pakinggan ang bagong kanta ng Aegis na Ang Sa Iyo Ay Akin sa iba’t ibang digital streaming platforms. Panoorin din ang music video nito tampok ang matitinding eksena sa teleseryeng Ang Sa Iyo Ay Akin sa YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment.

-MERCY LEJARDE