Ipinagdiinan ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na hindi maaaring manahimik ang mga Pilipino sa gitna ng malawakang korapsyon na nagaganap sa bansa.
Sa ikinasang White Ribbon March ng iba’t ibang sektor at grupo sa EDSA People Power Monument nitong Linggo, Hunyo 28, iginiit niya ring nagtipon ang taumbayan sa naturang martsa sapagkat mahal nito ang kanilang bansa.
“Narito tayo ngayon—hindi lamang bilang mga lider ng pananampalataya, hindi lamang bilang mga kasapi sa iba’t ibang organisasyon—kung hindi tayo ay nandito bilang mga mamamayan[g] nagmamahal sa ating bayan,” saad ni Bishop Bagaforo.
Aniya, “At dahil mahal natin ang ating bayan, hindi tayo maaaring manahimik. Hindi tayo maaaring manahimik habang ninanakaw ang pondo para sa mahihirap. Hindi tayo maaaring manahimik habang ang kaban ng bayan ay ginagawang personal na kayamanan ng iilan.”
“Hindi tayo maaaring manahimik habang ang korapsyon ay patuloy na sumisira sa kinabukasan ng ating mga susunod na mga henerasyon—ang ating mga anak,” dagdag pa niya.
Anang bishop, ang korapsyon ay kasalanan, pagnanakaw, at pagtataksil sa sambayanan.
“Mga kapatid, malinaw ang ating paninindigan: korapsyon ay kasalanan; ang korapsyon ay pagnanakaw; ang korapsyon ay pagtataksil sa taumbayan,” anang bishop.
“Kapag ninakaw ang pera ng bayan, ninanakaw ang gamot ng mga may sakit; ninanakaw ang mga pagkain ng mga nagugutom; ninanakaw ang mga edukasyon ng ating mga kabataan; ninanakaw ang pag-asa ng sambayanan,” diin pa niya.
Giit niya, ang ikinasang martsa ay hindi para maghasik ng galit o manira ng tao, bagkus ipahayag ang katotohanan at manindigan para sa katarungan.
Panawagan pa niya na kung may nagkasala, dapat managot; kung may nagnakaw sa bayan, dapat panagutin; kung may kurakot, dapat ikulong—walang exempted, walang VIP, walang makapangyarihan o mahirap, walang kaalyado o walang kalaban.
“Ang batas ay dapat pairalin sa lahat sapagkat ang tunay na katarungan ay walang pinipili,” ani Bishop Bagaforo.
Ipinaliwanag din niya ang kahulugan ng puting laso na inspirasyon ng White Ribbon March.
“Mga kapatid, ang white ribbon na ating sinusuot ngayon ay hindi lamang simbolo ng katahimikan sa harap ng mga kasamaan—ito ay simbolo ng malinis na konsensya, simbolo ng katotohanan, simbolo ng ating paninindigan na ang Pilipinas ay nararapat sa matapat at tapat na pamahalaan,” pagbahagi pa niya.