July 19, 2026

Home BALITA National

Pamilya Baterbonia may condo unit na, may money bouquet pa!

Pamilya Baterbonia may condo unit na, may money bouquet pa!
Photo courtesy: Provincial Government of Agusan del Sur/Rovelyn Baterbonia via Publiko (FB)

Sa gitna ng matinding pagdadalamhati sa pagpanaw at paghahatid sa huling hantungan ng student-athlete na si Rene Clert “Bobet” Baterbonia, isang bagong pag-asa ang dumating para sa kaniyang pamilya matapos silang pagkalooban ng bagong tahanan.

Ayon sa Provincial Government of Agusan del Sur (PGAS), ipinagkaloob na sa pamilya Baterbonia ang ipinangakong condominium unit ng National Housing Authority (NHA) sa kanila kamakailan.

Anila, mahigit dalawang dekada umanong nanirahan ang pamilya Baterbonia sa kanilang simpleng ancestral home na madalas bahain tuwing may malalakas na pag-ulan. Dahil dito, napipilitan silang lumikas sa tuwing tumataas ang tubig sa kanilang lugar.

Sa kabila ng mga pagsubok, hindi umano nawalan ng pag-asa si Bobet na balang araw ay mabibigyan niya ng mas ligtas at mas maayos na tirahan ang kanyang pamilya. Madalas din umano niya itong ipinapangako sa kanyang ina.

Ngayon, kahit wala na siya, natupad ang isa sa kaniyang pinakamalaking pangarap.

National

BSP, nagbabala sa ilegal na paggawa at pag-imprenta ng pera

Sa tulong ng NHA, katuwang ang Provincial Government of Agusan del Sur sa pamumuno ni Governor Santiago B. Cane Jr., ang Local Government Unit ng Talacogon at iba pang mga partner-agency, pinagkalooban ang pamilya Baterbonia ng condominium unit na nagkakahalaga ng ₱2.266 milyon.

Ang bagong tahanan ay inaasahang magbibigay ng mas ligtas, matatag at mas maayos na pamumuhay para sa pamilya matapos ang mahabang panahong paninirahan sa isang lugar na madalas bahain.

Bagama’t hindi umano kailanman mapapalitan ng anumang materyal na bagay ang pagkawala ng isang minamahal na anak, nagsisilbi itong simbolo ng malasakit at pagkakaisa ng komunidad para parangalan ang alaala ni Bobet.

Maki-Balita: Pamilya ni Rene Baterbonia, bibigyan ng condo unit sa Davao City—NHA

Samantala, patuloy ding bumubuhos ang suporta at pakikiramay para sa naulilang pamilya ng batang atleta.

Kamakailan lamang ay nakatanggap naman si Rovelyn Baterbonia at ang kaniyang mga anak ng mga money bouquet mula sa isang lokal na flower shop sa Talacogon bilang pagpapakita ng suporta habang patuloy nilang niluluksa ang pagpanaw ni Bobet.

Nagpasalamat naman si Rovelyn sa naturang flower shop hindi lamang sa ipinadalang tulong kundi maging sa patuloy na pag-alala sa kaniyang anak. Aniya, araw-araw na naglalagay ng sariwang bulaklak sa puntod ni Bobet ang nasabing tindahan mula nang mailibing ito noong Miyerkules, Hunyo 24.

Matatandaang namatay si Bobet kasama ang Nigerian national na si Divine Adili noong Hunyo 8 dahil umano sa pagkalunod habang may team-building activity ang koponan sa isang beach sa Aurora.