Masayang ibinalita ni Agusan del Sur Governor Santiago Cane Jr. na pagkakalooban ng condominium unit ang naulilang pamilya ng pumanaw na Ateneo Blue Eagles basketball player Rene Baterbonia, mula sa National Housing Authority (NHA).
Sa isang social media post nitong Miyerkules, Hunyo 24, ibinahagi ng governor na personal siyang kinontak ng NHA para iparating ang magandang balita para sa pamilya Baterbonia.
Ayon sa mensaheng ipinadala ng ahensya, iniutos umano ni NHA General Manager Joeben Tai ang pagkakaloob ng isang condominium unit sa Madayaw Residences na matatagpuan sa Sierra Madre Road, Bangkal, Davao City bilang tulong-pabahay para sa pamilya ni Rene.
Nakasaad sa liham na isang condominium unit sa Madayaw Residences ang ilalaan sa pamilya bilang housing assistance.
"The NATIONAL HOUSING AUTHORITY (NHA) contacted me on behalf of the BATERBONIA FAMILY. This is the message: DAGHANG SALAMAT, NHA! This is to inform you Gov. that, upon the directive of NHA General Manager Joeben Tai, a condominium unit at Madayaw Residences, located at Sierra Madre Road, Bangkal, Davao City, will be granted as housing assistance to the family of Mr. Rene Baterbonia," aniya.
Dagdag pa rito, nakatakdang bumisita ang mga kinatawan ng NHA Region XIII sa pamilya Baterbonia sa Biyernes, 10:00 ng umaga, upang pormal na ipabatid at iproseso ang naturang pagkakaloob.
Lubos namang nagpasalamat si Gov. Cane sa NHA para sa agarang pagtugon nito sa pangangailangan ng pamilya.
"DAGHANG SALAMAT, NHA!" pahayag ng gobernador.
Matatandaang naging sentro ng atensyon ang pamilya Baterbonia matapos umani ng simpatiya at suporta mula sa publiko. Dahil dito, iba’t ibang uri ng tulong mula sa mga pribadong indibidwal, organisasyon at mga ahensya ng pamahalaan ang ipinagkaloob sa kanilang pamilya.
Nitong Miyerkules, inihatid na sa huling hantungan si Rene.
Maki-Balita: Huling pangako ni Rene Baterbonia: 'Iaahon ko aking pamilya sa kahirapan!'
Maki-Balita: Rene Baterbonia, minsan nang nagbigay ng 80% ng kinita sa pamilya niya!