Naglabas ng pampublikong paghingi ng tawad ang drag queen at reality competition winner na si Maxie Andreison matapos muling kumalat sa social media ang isang video na kuha pa noong tatlong taon na ang nakalilipas, kung saan nasangkot siya sa pisikal na komprontasyon sa isang tagahanga.
Sa isang video na ibinahagi online, diretsahang inamin ni Maxie na mali ang naging paraan niya ng pagharap sa sitwasyon noon at sinabi niyang marami na siyang natutunan mula sa pangyayari.
Ayon sa kaniya, hindi na niya nais maulit pa ang naturang insidente at sinisikap niyang baguhin ang sarili.
Inamin din niya na kung mabibigyan siya ng pagkakataong balikan ang nakaraan, mas nanaisin niyang nahawakan ang sitwasyon nang may higit na pag-iingat at kahinahunan.
“Sana lang three years ago mas na-handle ko yung sitwasyon nang mas matalino at mas kalmado. Hindi kasi tama talaga na manakit. Hindi siya tama kahit saang aspeto,” dagdag pa niya.
Ipinaliwanag din ng drag performer na matagal nang naayos ang gusot sa pagitan ng mga sangkot sa insidente at nagkaroon na rin umano ng kapatawaran sa magkabilang panig.
Muling nabuhay ang kontrobersiya matapos mag-viral ang lumang video kung saan makikitang may kasamahan si Maxie na unang nanampal sa isang lalaki bago siya mismo umano ang nakitang nanampal at sumipa rito. Hindi naman makikitang gumanti o lumaban ang naturang indibidwal sa video.
Kasabay ng muling pagkalat ng footage, naglabasan din online ang iba't ibang bersyon ng kuwento hinggil sa umano'y pinagmulan ng insidente.
Batay sa mga post na ibinahagi ng ilang netizens, nag-ugat umano ang komprontasyon matapos ang isang pagtatanghal ni Maxie sa isang bar. Sinasabing habang nagpapakuha ng larawan ang isang lasing na tagahanga, aksidente nitong nahila ang wig ng drag performer.
Ayon pa sa mga lumabas na pahayag, bumalik umano si Maxie at ang kaniyang grupo upang hanapin at kausapin ang responsable sa insidente. Gayunman, nagkaroon umano ng kalituhan sa pagkakakilanlan at may isang taong napagkamalang sangkot kahit wala naman umanong kinalaman sa nangyari.
Hindi na umano ito naipakita sa kumalat na video dahil putol ang kuha at nagsimula lamang sa bahagi ng komprontasyon.
Kalaunan, ayon sa mga lumabas na kuwento online, humarap din umano ang mismong fan na nakasagi o nakahila sa peluka ni Maxie at nagbigay ng paumanhin. Ang sumunod na pangyayari ang sinasabing nakuhanan sa viral video.
Sa kabila nito, hindi na tinalakay ni Maxie sa kaniyang apology video ang detalye ng naging ugat ng insidente. Sa halip, pinili niyang akuin ang responsibilidad sa kanyang naging aksyon at humingi ng tawad sa kaniyang mga tagahanga at sa publiko.
Kamakailan lang, inanunsyo ang pagbida ni Maxie sa musical theater version ng "Die Beautiful."
Maki-Balita: Maxie Andreison, Viñas DeLuxe bibida sa 'Die Beautiful musical!'