Opisyal at pormal nang inanunsyo ng "The IdeaFirst Company" na ang drag queens na sina Maxie Andreison at Viñas DeLuxe ang napisil na gumanap bilang "Trisha" sa musical theater play version ng pelikulang "Die Beautiful."
Mababasa sa official social media page ng movie company ang anunsyo tungkol dito.
"The IdeaFirst Company announces #ViñasDeluxe and #MaxieAndreison will play Trisha in the musical adaptation of Jun Robles Lana's critically-acclaimed film 'Die Beautiful,'" anila.
Ang Die Beautiful, ay pelikulang pinagbidahan nina Paolo Ballesteros at Christian Bables noong 2016, at opisyal na lahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF).M
Maki-Balita: Paolo Ballesteros, ayaw mapanood ng sariling anak ang 'Die Beautiful'
Tungkol ang kuwentong ito kay Trisha, isang transgender contestant ng beauty pageants na kung kailan nakoronahan at nagka-title, saka naman siya natsugi dahil sa brain aneurysm. Sa gaby ng mga burol sa kaniya, papalit-palit siya ng make-up na ginagawa sa kaniya ng bestfriend na si Barbs, para hindi siya ipalibing ng kaniyang ama sa anyong lalaki.
Hakot awards ang cast, production staff, at mismong pelikula matapos itong tanghaling "Best Picture." Si Paolo naman ay "Best Actor," si Christian ay "Best Supporting Actor," si Gladys Reyes ay "Best Supporting Actress," at ang direktor nitong si Jun Robles Lana naman ay "Best Director."
Si Maxie ay kilalang drag performer at singer na siyang nagwagi sa third season ng "Drag Race Philippines" at sumali sa "Queen of the Universe." Vocal din si Maxie sa iba't ibang mga isyung panlipunan.
Maki-Balita: Drag Race S3 winner Maxie, nanawagan ng hustisya para sa EJK victims
Si Viñas naman ay naging contestant sa season 1 ng Drag Race Philippines, at sumali rin sa season 1 of "Drag Race Philippines: Slaysian Royale," kung saan itinanghal siyang runner up.
Maki-Balita: Viñas DeLuxe of 'Drag Race Philippines', tinawag na 'new sugar daddy' si Marvin Agustin
Sa kaniyang social media post, nagpahayag ng labis na kagalakan si Viñas sa titular role na ibinigay sa kanilang dalawa ni Maxie. Aniya, na-inspire daw siyang mag-drag dahil pinapanood niya si Paolo sa make-up transformation nito sa telebisyon.
"Omgg ito na! Nainspire ako maging Drag Queen nung napanood ko si Mama Pao Paolo Ballesteros sa TV. Ginagaya ko pa makeup ni Mama Pao sa Die Beautiful noon. Ngayon gaganap na tayong Trisha. Maraming salamat po lord! Thank you so much The IdeaFirst Company! Let’s go siss Maxie Andreison," aniya.
May isang taong paghahanda sina Maxie at lahat ng cast members dahil ang playdate nito ay sa June 2027.
Samantala, hindi pa inaanunsyo kung sino-sino naman ang gaganap bilang "Barbs" na nauna nang ginampanan ni Christian Bables sa pelikula.