Tiniyak ni Manila Archdiocese Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na tutugon ang Simbahan sa lumalawak na usapin ng mental health problems dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa mga mamamayan.
Pagsang-ayon ito ni Pabillo sa apela ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa mga opisyal ng Simbahan at mga spiritual leader na makatuwang nila sa pagbibigay ng patnubay sa mga mamamayan sa tumataas na bilang ng mga nagpapatiwakal ngayong may pandemya.
Kaugnay ng panawagan, iginiit ng Obispo na higit na kinakailangang ituring ng pamahalaan na essential services ang religious services na nagsisilbing takbuhan ng mamamayan sa gitna ng mga takot at pangamba dulot ng nakahahawa at nakamamatay na sakit.
Ipinaliwanag ni Pabillo na dahil dito ay dapat na pahintulutan ng pamahalaan ang mas madaming mananampalataya na makadalo sa mga banal na gawain sa mga Simbahan.
“Ang religious services ay essential services kailangan talaga ng mga tao, kaya nga kung gusto nila tutugon naman kami lumalapit naman sa amin yung ibang nangangailangan pero kailangan natin mas buksan ang mga taong makapagsisimba kasi ito ay nakakatulong sa mga tao, by the fact na lumalapit sila sa Simbahan, nakikiisa sila sa mga pagdiriwang nakakaiwas sa maraming mental health problems,”paliwanag pa ni Pabillo sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Inihayag ng Obispo na kinakailangan din ng Simbahan ang tulong at pag-unawa ng pamahalaan upang ganap na makatulong hindi lamang sa pisikal at mental kundi sa pangangailangang pang-espiritwal ng mamamayang naguguluhan at nagdaramdam dahil sa COVID-19 pandemic.
Ibinahagi pa ng Obispo ang karanasan noong siya ay magpositibo sa COVID-19 na kabilang sa mental challenge ngayong mayroong pandemya ang pagkakaroon ng ‘sense of community’ o ang pakiramdam ng hindi pag-iisa at pagkakaroon ng karamay sa gitna ng mga pagsubok at hamon na dulot ng COVID-19.
Ayon kay Pabillo, ito ang ‘sense of community’ na naidudulot ng pakikibahagi ng mga mananampalataya sa mga banal na gawain sa mga Simbahan.
Dahil dito, muling umapela ang Obispo sa pamahalaan na muling pahintulutan ang 10-porsyento ng kapasidad ng mga Simbahan na makadalo sa mga banal na gawain sa General Community Quarantine sa halip na limitahan lamang ito sa 10-indibidwal.
-Mary Ann Santiago