Malaking impact sa pamamahala at nagpa-angat sa maraming buhay ng mga Pinoy ang nagawa ni dating Senator Benigno ‘Ninoy’ Aquino, Jr.
Ito ang nakapaloob sa mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paggunita ng Ninoy Aquino Day kahapon.
Nagpahayag ng pakikiisa ang pangulo sa sambayanan bilang pagpupugay sa mga nagawa ng dating senador sa bansa.
“Ngayong may dinaranasang pandemiya, mahalagang tularan ang ipinamalas na tapang ni Ninoy, bukod pa rito, dapat din mapulot ng bawat Filipino ang ipinamalas nitong pagiging makabayan gayung sa ganitong pamamaraan ay maging bayani din tayo sa pamamagitan ng iba’t ibang anyo,” paalala ni Duterte.
Tinukoy ng punong ehekutibo ang dapat na paraan, gaya ng maging disiplinado, gawin ang responsibilidad sa lipunan, at maging mabuting mamamayan.
Umapela rin ang pangulo ng kooperasyon at pakikipag-tulungan ng bawat isa para sa pamahalaan habang hiningi rin nito sa mga nakaluluwag na maibahagi sana ang anumang maaaring maibigay para sa mga kapus-palad, lalo na sa panahong ito.
-Beth Camia