LAKE BUENA VISTA, Florida (AP) — Nakabawi ang Lakers, sa pangunguna ni Anthony Davis na kumana ng 31 puntos at 11 rebounds, sa Portland Trail Blazers, 111- 88, nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) sa Game 2 ng first-round Western Conference playoff series.
Nag-ambag si LeBron James ng 10 puntos, anim na rebounds, pitong assists at anim na turnovers. Kumana siya ng 23 puntos, 17 rebounds at playoff career-high 16 assists sa Game 1 shocker ng Trail Blazers, 100-93.
Nakatulong sa panalo ng Lakers ang pagkawala ni All-Star guard Damian Lillard na nagtamo ng bali sa kaliwang hinlalaki sa third quarter. Hindi na siya nakabalik sa laro, ngunit sinabi ng team management na negatibo sa mabigat na pinsala ang resulta ng X-rays.
Nakaiskor lamang si Lillard ng 18 puntos matapos pangunahan ang paggapi sa Lakers sa Game 1 sa naisalansan na 34 puntos.
BUCKS 111, MAGIC 96
Matikas ang simula ng Milwaukee Bucks, sa pangunguna ni Giannis Antetokounmpo na tumipa ng 28 puntos at 20 rebounds, para was akin ang Orlando Magic at maipatas ang kanilang Eastern Conference first-round series sa 1-1.
Tangan ng Bucks ang NBA’s best regular-season record na 56-17, ngunit lagapal sila sa 3-5 sa eight seeding games sa Disney’s Wide World of Sports at nagapi sa opening match, 122-110.
Hataw din sa Bucks sina Brook Lopez na may 20 puntos at Pat Connaughton na may 15 puntos mula sa impresibong 5-of-8 sa 3-point shooting. Nag-ambag si Eric Bledsoe ng 13 puntos at tumipa si Donte DiVincenzo 11.
Nanguna si Nikola Vucevic sa Orlando na may 35 puntos.
PACERS 109, HEAT 100
Naisalpak ni Duncan Robinson ang unang anim na tira –pawang sa three-point area – tungo sa 24 puntos sa ikalawang sunod na panalo ng Indiana laban sa Miami sa first-round Eastern Conference playoff series.
“I don’t care if he miss 18 shots, 18 3s,” pahayag ng teammate na si Goran Dragic. “`I want you to shoot every time. Don’t pump fake. We need you, and you can see it.′ He didn’t hesitate today, and that’s how we want him.”
ROCKETS 111, THUNDER 98
Hataw si James Harden sa nakubrang 21 puntos at siyam na assists at naitala ng Houston Rockets ang 19 sa NBA-record 56 3-point attempts para gapiin ang Oklahoma City Thunder at makamit ang 2-0 bentahe sa kanilang first-round Western Conference series.
Nanatiling nasa bench ng Rockets si dating Thunder star Russell Westbrook bunsod ng ‘right quad strain’, ngunit matikas ang relyebo niyang si Danuel House Jr. na may 19 puntos.
Nanguna si Shai Gilgeous-Alexander sa Thunder na may 31 puntos, at humirit si Danilo Gallinari sa natipang 17 puntos.