NABITIWAN ng Team Philippines ang naunang 2-0 bentahe tungo sa nakapanghihinayang na 2.5-3.5 kabiguan sa lower-ranked Belgium nitong Sabado sa Round 5 ng FIDE Online Chess Olympiad.
Nakakalamang ng 2.5-0.5 makaraang manalo nina Jerlyn Mae San Diego at Bernadette Galas kontra kina Tyani De Rycke at Diana Musabayeva, ayon sa pagkakasunod at nakapuwersa ng draw si Grandmaster Darwin Laylo kay FIDE Master Lennert Lenaerts, nabura ang nasabing bentahe pagkatapos na matalo sina GM Banjo Barcenilla, WIM Jan Jodilyn Fronda at Michael Concio Jr.
Bunga nito, bumaba ang Team Agila ng Pilipinas sa ikalimang puwesto kasalo ng Belgium na may tig-6 na puntos kasunod ng Indonesia na may 8 puntos, Australia na may 10 puntos at Bulgaria at Germany na may tig-12 puntos .
Hindi pinalaro at pinagpahinga kontra Belgium sina Grandmaster Mark Paragua at WGM Janelle Mae Frayna at IM Daniel Quizon.
Nauna rito, tinalo ni Paragua si GM Vladislav Kovalev sa top board nang gulantangin ng mga Pinoy ang second seed Belarus, 4.5-1.5, sa fourth round.
Hindi nagpatinag si Paragua sa nakatunggaling may super GM level rating na 2648 upang maitala ang 58- move na panalo.
Kasunod nito, nagwagi rin sina Mordido at Quizon kontra kina Woman FIDE Master Aliaksandra Tarasenka at FM Denis Lazavik ayon sa pagkakasunod.
Nakahirit naman ng draw kontra sa kanilang mga higher rated na kalaban na sina GM Kirill Stupak, IM Olga Badelka at IM Nastassia Ziaziulkina sina GM Joey Antonio, WGM Janelle Mae Frayna at WIM Bernadette Galas.
May tsansa sanang manalo si Antonio ngunit naapektuhan ang kanyang laro dahil sa nagkaproblema sa kanyang internet connection.
“Maganda yung position natin yun lang medyo nawala sa momentum nang mawala ang signal ng internet,” pahayag ni Antonio.
Sa online virtual tournament, isang malaking bagay ang pagkakaroon ng high-powered equipment at malakas na internet. Isa ang Pilipinas sa may pinakamahinang internet sa Asia.
Habang sinusulat ang balitang ito ay lumalaban na ang mga Pinoy sa 6th round kontra Australia.
-Marivic Awitan