PAGKATAPOS ng mga babaeng direktorang naka-tsikahan ni Direk Cathy Garcia Molina ay mga lalaking direktor naman ang inimbitahan niya sa kanyang YouTube channel na Nickl Entertainment. Ang mga direktor ay sina Ruel S. Bayani, Dado Lumibao, Jerry Sineneng at Ted Boborol.
Kung sobra kaming natawa kina direk Mae Cruz-Alviar, Sigrid Bernardo, Irene Villamor at Antoinette Jadaone ay mas doble ang tawa namin sa mga lalaking direktor dahil may halong malisya ang mga sagot nila.
Natanong ang apat kung ano ang gusto nila, ‘Top o Bottom, san mo gustong pumuwesto sa bunk bed at bakit?’
“Ako bottom kasi less uga and closer to the ground,” mabilis na sabi ni direk Jerry.
Hirit naman ni direk Ruel, “lahat tayo nasi-CR sa gabi kaya dapat lahat tayo mabilis na makapunta sa cr.”
Malikot naman matulog si direk Dado, “bottom din kasi malikot ako matulog baka mahulog ako kapag nasa top.”
“Naku, feeling koi e-edit ito ni direk Cathy, ‘Jerry Sineneng Bottom cut!” say ni RSB
Tawanan ang lahat dahil double meaning ang top o bottom.
“Ako naman, 8 years akong dormer so ang pinipili ko top kasi lahat ng tumatambay doon nakiki-upo (bottom), so nadudumihan ‘yung bedsheets kaya gusto ko sa top,”paliwanag ni direk Ted.
Maging si direk Cathy ay mas type ang top, “para hindi ako dinadaandaanan, ako ang makikiraan sa kanila kasi di ba pag aakyat.”
Ang next question, ‘Saan mas masaya sa Puerto Galera o sa Boracay, elaborate.’
“May something ba ‘to? Siyempre Boracay,” say kaagad ni direk Ruel. “E kasi ‘yung Boracay maraming ganap, maraming bars, maraming party, maraming puwedeng late night na kainan so buhay ang nightlife niya, maraming activities in a day at sa gabi. ’Yung Puerto Galera okay din naman since limited kasi hindi naman ganu’n kalaki ang Puerto Galera.”
Say naman ni direk Ted, “ako Boracay kasi hindi pa ako nakapunta ng Puerto Gallera so wala akong choice.”
“Ako Boracay din kasi maganda ang beach charot,” tumatawang sabi ni direk Dado.
Dagdag pa, “kasi sa Boracay maganda ‘yung sand, pino, malambot sa paa saka marami kang makikita saka may sumusutsot pag gabi ha ha, charot.”
Ayon naman kay direk Jerry, “Boracay kasi mas maganda ang beaches, mas maganda ang mga resorts, nightlife. Pero maganda rin naman ang Puerto Galera, baka magalit mga taga Puerto Galera.”
Sundot ni direk Ruel, “hindi maganda rin ang Puerto Galera kasi may kakaibang culture, naalala kopag Holy Week meron doon music fest, masaya saka maraming bading pag holy week.”
Sabi pa, “naku, ‘yan ang iki-clip sa (video), Boracay, maraming sumusutsot sa gabi.”
Tawanan to the max na naman ang lahat ng direktor.
Boracay din ang napili ng nag-iisang babaeng direktor sa grupo, “ako Boracay din as far as I’m concerned sa itsura pero better memories or good memories ako sa Puerto Galera.”
-REGGEE BONOAN