Nagsampa ng kaso sa Mandaluyong Prosecutor’s Office si Sen. Erwin Tulfo laban kina Atty. Levito “Levi” Baligod, dating Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor, Quezon City Councilor Ranulfo Ludovica, Atty. Virgilio Garcia, at dalawang lumitaw na ex-bodyguards na na nagngangalang sina Jeron Valderama at Bernard Gumban.
Matatandaang isa si Tulfo sa mga nabanggit na pangalan sa joint affidavit ng 18 ex-Marines bilang nahatiran umano nila ng male-maletang pera noon batay sa dinaluhang pagdinig ng naturang grupo sa ikinasang Senate Blue Ribbon Committee meeting sa pangunguna nina Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. Rodante Marcoleta noong Hunyo 4, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Erwin vs 18 ex-Marines: 'Ako'y natutuwa, hindi ako naiinis. Matatawa ka na lang!'
Sa naging pahayag naman ni Tulfo sa pagsasampa niya ng kaso laban sa mga nabanggit nitong Miyerkules, Hulyo 8, sinabi niyang wala naman daw talaga siyang natanggap na kahit anong maleta.
Buwelta ni Tulfo, paano raw siya makakatanggap ng mga maletang naglalaman ng milyon-milyong pera kung wala naman daw siyang flood control projects.
“Ba’t ako tatanggap ng maleta ay wala nga akong flood control. E ‘di sana noong unang hearing pa lang ng flood control ay nandoon na ‘yong pangalan ko,” ‘ika niya.
Diin ni Tulfo, hindi rin daw siya nagkaroon ng General Appropriation Act (GAA) at National Expenditure Program (NEP) mula nang maging congressman daw siya noong 2023 hanggang sa pumasok siya sa Senado.
“Wala akong infra, wala akong flood control or farm-to-market roads. Wala. Not at all,” depensya pa niya.
Pagpapatuloy ni Tulfo, hindi rin daw siya nakatanggap ng kahit sentimo mula sa mga proyekto ng gobyerno kaya paano raw siya magkakaroon ng milyon-milyong salapi mula sa bigay ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.
“I didn’t get any, even a single centavo from government projects. Kaya why will I get these so much money from Zaldy Co, wala naman akong nakuha at all,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag sina Baligod at iba pang nabanggit kaugnay rito.
Habang kasalukuyan namang nasa kustodiya ng mga awtoridad si Defensor dahil sa pagkakadawit niya sa kinakaharap na non-bailable plunder case ni Sen. Rodante Marcoleta.
KAUGNAY NA BALITA: 'Makukulong n'yo kami at mapapatahimik pero hindi kami susuko!'—Mike Defensor