Sinupalpal ni Sen. Erwin Tulfo ang mga binatong alegasyon sa kaniya ng 18 ex-Marines sa naganap na Senate Blue Ribbon Committee sa pangunguna nina Senate President Alan Peter Cayetano at iba pang mga senador noong Huwebes, Hunyo 4, 2026.
Matatandaang isa si Tulfo sa mga nabanggit na pangalan sa joint affidavit ng 18 ex-Marines bilang nahatiran umano nila ng male-maletang pera noon.
Bukod kay Tulfo, isa rin sa mga napangalanan at binanggit sa pagdinig si Sen. Vicente “Tito” Sotto III na nahatiran din daw ng 18 ex-Marines ng male-maletang pera sa Baclaran noong 2024 bago magsimula ang campaign period.
KAUGNAY NA BALITA: Tito Sen, nahatiran umano ng maleta sa Baclaran!—ex-soldier
Sa naging tugon naman ni Tulfo sa panayam sa kaniya ng isang TV station nitong Biyernes, Hunyo 5, sinabi niyang hindi raw siya naiinis sa mga paratang na binato sa kaniya kundi natutuwa pa nga raw siya.
“Nakakatuwa po. Pinapanood ko sila kahapon. Ako po’y natutuwa, hindi po ako naiinis,” pagsisimula niya.
Ani Tulfo, natatawa na lang daw siya lalo na kapag nakakarinig daw siya ng mga gawa-gawa o hindi totoong kuwento mula sa 18 ex-Marines.
“Dahil kapag may mga kinukuwento — lalo kapag mga Marites — kapag mga gawa-gawang istorya, matatawa ka na lang,” aniya.
Diin ni Tulfo, hindi naman daw siya basta papayag na paratangan ng kung ano-anong alegasyon kaya naghahanda na raw sila para magsampa ng kaso sa mga nag-akusa sa kaniya.
“Syempre hindi naman tayo papayag na ganoon-ganoon na lamang. Tayo ay naghahanda na ngayon para sampahan ng kaso ‘yang nag-akusa sa atin,” saad niya.
Pagpapatuloy niya, dapat daw na magpangharap sila ng mga taong nambabato ng mga alegasyon laban sa kaniya dahil gusto raw talaga niyang malaman ang katotohanan.
“Gusto kong marinig talaga sa proper forum. Dalahin niya ‘yong mga ebidensya niya na binigyan tayo ng male-maletang pera. Gusto kong malaman,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang direktang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang kampo ng 18 ex-Marines kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Alan, hinamon Tulfo brothers na harapin ang 18-ex Marines!
KAUGNAY NA BALITA: De Lima vs 18 ex-Marines: 'Uulitin ko... wala akong tinatanggap na pera!'