Pinatawag ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang production team ng hit ABS-CBN primetime series na "Sigabo" bilang bahagi ng kanilang "Responsableng Paggabay" initiatives matapos makatanggap ng mga reklamo kaugnay sa umano'y labis na pagpapakita ng karahasan sa programa.
Sa isang pahayag noong Martes, Hulyo 7, sinabi ng MTRCB na nagsagawa ito ng "compliance seminar" para sa mga producer at kinatawan ng programa sa tanggapan ng ahensya sa Quezon City.
Layunin ng seminar na magkaroon ng dayalogo sa pagitan ng MTRCB at ng production team upang magkaroon ng mas malinaw na pag-unawa sa mga pamantayan para sa age-appropriate content habang kinikilala rin ang kahalagahan ng artistic creativity at responsableng pagkukuwento.
Ayon kay MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto, nais ng ahensya na suportahan ang industriya ng telebisyon sa paglikha ng mga de-kalidad at makabuluhang programa nang hindi nalilimutan ang epekto nito sa mga manonood, lalo na sa mga bata.
“The Board’s goal is to support the television industry in the development of engaging, socially relevant, and world-class programs while being mindful of their impact on viewers, especially children,” ani Sotto.
Samantala, positibong tinanggap naman ng CCM Film Productions, ang producer ng serye, ang inisyatiba ng MTRCB. Nagpasalamat ang kompanya sa pagkakataong mas maunawaan ang mga pamantayan ng ahensya at muling tiniyak ang kanilang pangako sa responsableng paggawa ng nilalaman para sa telebisyon.
Binigyang-diin din ng MTRCB na patuloy nitong isasagawa ang mandato nito sa responsableng regulasyon ng media sa pamamagitan ng paggabay at pakikipagtulungan sa mga content creator upang maprotektahan ang kapakanan ng mga manonood na Pilipino.
Hindi naman tinukoy ng MTRCB kung may ipapataw itong parusa o karagdagang aksyon laban sa programa. Sa halip, inilarawan ng ahensya ang seminar bilang bahagi ng patuloy nitong pakikipag-ugnayan sa mga producer upang matiyak ang balanseng paghahatid ng aliw at responsableng nilalaman sa telebisyon.
Ang "Sigabo," na pinagbibidahan ni Coco Martin, ay pagbabalik niya sa primetime matapos ang ilang buwang pamamahinga, nang magwakas naman ang "FPJ's Batang Quiapo."
Maki-Balita: Coco, makakasama si Julia sa bagong teleserye!
Nagtapos ang serye noong Marso 13, 2026 matapos ang tatlong taong pag-ere.