ANG kolaborasyon ng iba’t ibang sektor ng lipunan ay mahalaga upang maisulong ang kaunlaran at kaayusan ng lahat ng mamamayan. Ang katotohanang ito ay matingkad ngayong panahon ng pandemya. Ngayon lamang sa kasaysayan ng daigdig nagkaroon ng malawakang kolaborasyon sa pagitan ng mga bansa upang tuluyan na nating mawaksi ang sakit na dulot ng COVID-19.
Nitong nakaraang Abril, nakita natin ang determinasyon ng mga bansang kasama sa ASEAN na makipag-ugnayan sa isa’t isa upang matigil ang pagdami ng mga kaso ng COVID-19. Nagkaroon ng virtual summit ang mga pinuno ng mga bansang ito at nanumpa sila na lalabanan nila ang epidemya ng sama-sama. Ang mas maigting na koordinasyon, maayos na daloy ng mga esensyal na produkto, at ang pagkaroon ng malinaw na plano ang ilan sa kanilang napagkasunduan.
Mahalaga ito dahil ang mga bansa sa ASEAN ay magkakaugnay at malalapit. Ang daloy ng tao at produkto sa mga bansang kasapi nito ay tuloy at tuloy, at maaaring maging dahilan ng pagkalat din ng sakit. Sa ngayon, umabot na sa 300,000 ang dami ng taong nahawa ng virus sa buong ASEAN. Kailangang mapapababa ito, at kolaborasyon ang isa sa mga susi upang magawa ito.
Isang ehemplo ng kolaborasyon ay ang nangyayaring magkakaugnay na pagsasaliksik ukol sa paghahanap ng mga gamot na maaring magbigay lunas ng sakit na bunsod ng COVID sa buong daigdig. Isa na rito ay ang Access to COVID-19 Tools (ACT) Accelerator na inilunsad noong Abril 24 ng United Nations. Ang kolaborasyon na ito ay kasalo ang maraming mga bansa sa buong mundo na nagsusulong ng pagtuklas at produksyon ng diagnostics, gamot, at bakuna laban sa COVID-19.
Napakahalaga nito, kapanalig, para sa mga bansang gaya natin. Ang mga mahirap na bansa ay hindi agad makaka-access sa mga gamot at bakuna. Kung makakuha man ito, maaring kukulangin dahil dahil hindi kaya ng produkyon sa dami ng populasyon.
Kapanalig, ang kolaborasyon ay susi rin sa recovery ng mga bansa mula sa malawakang pagkalat ng sakit. Kung ang mga bansa ay mag-uugnay ng kanilang mga exit plans upang masigurado na lahat ng papasok at lalabas ng kanilang lugar ay COVID-free, mas madali ang ating pag-exit sa krisis na ito.
Ang pandemyang ito ay tinatawag tayong magkaisa sa pandaigdigang lebel. Pinaramdam nito ang ating “shared humanity.” Pinaalala nito na magkakaiba man ang ating lahi, tayong lahat ay magkakapatid. Isipin natin ang kabutihan ng lahat – ang pagsasaayos ng kondisyon ng buhay ng lahat ng indibiduwal at pamilya upang maabot nating lahat ang ating kaganapan bilang tao. Ang Mater et Magistra ay nagpapaalala sa atin na lahat tayo ay kailangan isipin ang pangangailangan at aspirasyon ng sangkatauhan, dahil tayo ay iisang pamilya lamang.
-Fr. Anton Pascual