Pinag-iisipang mabuti nina Direk Perci M. Intalan at Jun Robles Lana kung itutuloy sa Season 2 o pelikula ang pinag-uusapang digital BL series na Gameboys na pinangungunahan nina Elijah Canlas at Kokoy de Santos.
Sa huling pag-uusap namin dati ni direk Perci ay nabanggit niyang hanggang episode 8 lang ang Gameboys dahil gagawin na itong sa pelikula.
‘’Ay 10 (episodes) na so far. May 11-13 na paparating pero we decided to delay for 2 weeks kasi MECQ,” sabi ni PMI(tawag namin kay direk Perci).
Dagdag pa, ‘’Hay naku eto nga patong patong ang skeds, kailangan naming mamili between doing Season 2 or doing a movie. Nakakatuwa kasi ang response, sobrang solid.’’
Sabi namin na mas maganda kung ituloy na lang sa Season 2 ang Gameboys kasi nasimulan na at hinahanap na ng mga tagasubaybay nito since day 1 bukod pa sa ang dami ng ads na pumapasok kesa kung gagawing pelikula ay iisipin pa kung saan platform ito ipalalabas o ibebenta.
‘’Oo nga eh. Totoo yan. At saka ang hirap sa movie, ang hirap i-predict kung saan ipapalabas. Etong YouTube minahal na namin he he.
’”Ang lakas kasi ng Gameboys community sobra. Ilang beses na nila kami pinaiyak sa mga tribute videos na ginagawa nila,” pag-ayon naman ng producer ng series.
Pero sa kabilang banda ay hindi pa rin final kung itutuloy sa Season 2 ang Gameboys dahil pagmi-mitingan pa nila ito kasama ang mga taong nasa likod ng BL series.
“Mag-decide kami kung movie o Season 2 ang uunahin. But after ep 13 ng Gameboys papasok muna ang Pearl. Kailangan ko rin kasing bigyan ng time si Ash na isulat ang Season 2 or ang movie,’’ say ni direk Perci.
Samantala, nakakasa na rin ang GL o Girl’s Love series na Pearl Next Door na pagbibidahan naman ni Adriana So bilang si Pearl sa Gameboys.
-Reggee Bonoan