July 14, 2026

Home BALITA

Usap-usapang University of Prison, ibinida ni Sen. Robin!

Usap-usapang University of Prison, ibinida ni Sen. Robin!
Photo courtesy: Robin Pdilla/FB

Ipinagtanggol ni Sen. Robin Padilla ang kaniyang naging pahayag tungkol sa pagtatapos umano niya sa tinawag niyang “University of Prison,” kasunod ng mga reaksyon at puna mula sa publiko matapos niyang banggitin ito sa gitna ng impeachment trial sa Senado.

Ayon sa senador, ipinagmamalaki niya ang tatlong taong pananatili sa kulungan dahil dito umano niya natutunan ang mahahalagang aral sa buhay at paghubog ng kaniyang pagkatao.

Sa isang pahayag na ibinahagi sa social media, tinawag ni Padilla na “unibersidad ng buhay,” ang sariling bersyon niya ng UP.

"Ipinagmamalaki ko po talaga ang 3 taon ko sa University of Prison. Dito sa lugar na ito ang tunay na unibersidad ng buhay... Madali lang ang pumasok dito. Ang mahirap ay ang makalabas at mag graduate with honors o with death,” anang senador.

Nauna nang naging usap-usapan ang naging pahayag ni Padilla sa impeachment proceedings kung saan sinabi niyang siya ay nagtapos sa "UP" na kalaunan ay kaniyang nilinaw na tumutukoy sa "University of Prison" at hindi sa University of the Philippines.

National

Sen. Mark Villar naghain ng resolusyon para parangalan si Alex Eala

Ayon kay Padilla, ang karanasan sa loob ng kulungan ang nagturo sa kaniya ng disiplina, pagpapakumbaba at mahahalagang leksyon na aniya'y hindi matututunan sa loob ng tradisyunal na silid-aralan.

Matatandaang nakulong si Padilla noong dekada 1990 kaugnay ng kasong illegal possession of firearms bago siya napawalang-sala at nakalaya matapos ang halos tatlong taong pagkakapiit.

Samantala, patuloy namang naghahati ng opinyon sa social media ang naging pahayag ng senador, kung saan may ilang nagpahayag ng suporta sa kaniyang pananaw habang mayroon ding mga bumatikos sa paggamit ng katawagang "University of Prison" bilang paglalarawan sa kaniyang karanasan sa bilangguan.