Arestado ang tatlong manggagawa matapos silang masangkot sa umano'y pagkuha at pagkatay sa isang mamahaling arapaima fish na inaalagaan sa loob ng isang resort sa bayan ng Pagbilao, Quezon.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, namataan umano ang mga suspek na magkatuwang na inilalabas ang malaking isda mula sa fishpond ng resort bago ito dinala sa kanilang tinutuluyang quarters sa loob ng establisyemento.
Napag-alaman na ang arapaima ay isang 25-anyos na isda na may habang mahigit anim na talampakan at tumitimbang ng humigit-kumulang 90 kilo. Tinatayang nasa P7 milyon ang halaga nito dahil sa pambihirang uri at matagal na pag-aalaga rito ng resort.
Lumabas sa imbestigasyon na pinatay at kinatay umano ng mga suspek ang naturang isda at plano sanang paghatian ang karne upang maiuwi sa kani-kanilang pamilya at magamit bilang pagkain.
Gayunman, agad na naipagbigay-alam ng isang security guard ng resort ang insidente sa mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip sa tatlo at pagkakarekober sa mga bahagi ng kinatay na isda.
Dinala ang mga suspek sa kustodiya ng Pagbilao Municipal Police Station para sa inquest proceedings at paghahanda ng kaukulang kaso laban sa kanila.
Nahaharap ang tatlo sa reklamong qualified theft kaugnay ng insidente habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya.