Kaarawan ni K Brosas nitong Miyerkules, Hulyo 15, at nag-live siya sa YouTube at Instagram kasama ang nag-iisang anak na si Crystal at ibinahagi ang isang rebelasyon sa madlang people.
Bungad ni K, “Birthday ko at may revelation kami ng anak ko (sabay lingon kay Crystal).
“Ako po si Crystal and I’m a lesbian. I am gay,” lahad naman ng huli.
Ayon kay K, high school pa lamang si Crystal ay alam na niya ang sexual preference nito at tinanggap.
“Sa mga nagtatanong, matagal ko na pong alam. High school pa lang, alam ko na bilang nanay. And, wala akong galit, wala akong bwisit, tinanggap ko,” sinabj ng mang-aawit.
Dagdag pa, “Kahit halamang dagat ka pa, mamahalin kita kasi that’s unconditional love bilang magulang.
“Pasensya na po sa mga Christian or hardcore keme, nag-iisang anak ko ‘to, e. Kung ano’ng gusto niya susuportahan ko.
“Tinanong ko siya nang biglaan ngayong birthday ko kung gusto ba niyang mag-out. Umiyak siya kasi gusto na niya talaga. So now, we’re here and ito na ‘yung ginagawa natin sa video na ito.”
At bilang ina ay may payo si K sa mga magulang na may lesbian/gay na anak.
“Ang sexual preference ng anak ko walang kinalaman sa pagmamahal ko sa kanya,” emosyonal na sabi ni K.
“Kasi alam ko na may ilan sa inyo na babalik sa akin. Even family ko, parang alam ko na, e. Sasabihin nila, ‘Meron kang mali na ginawa kung bakit ganyan lumaki ang anak mo.’
“Pero mas importante ang kaligayahan ng anak ko e. Ito ang gusto niya so wala kayong pakialam. I love my daughter. Alam ko na po ito years ago and I support her.
“Maganda ang relationship namin, wala kaming tinatago. Well, ito lang naman kasi dapat may right time.
“Please sa mga parents na nagtatakwil sa mga anak nila dahil hindi nila kaya maawa naman kayo sa mga anak niyo kasi anak niyo yan, e.
“I’m doing this kasi gusto kong mamulat… naba-bother ako sa mga magulang na dinidisown ang mga anak nila,” ani K.
Panay naman ang hagod ni Crystal sa likod ng ina at naluha na rin.
-REGGEE BONOAN