MATATANGGAP ng mga atletang Pinoy ang kanilang buwanang allowances na walang kaltas sakaling maipasa ng Kamara ang ikalawang edisyon ng Bayanihan To Heal As One Act.

Tolentino

Tolentino

Ipinahayag ni Tagaytay City Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino, nakapaloob sa rekomendasyon sa Kamara ang pagbibigay ng mga allowances ng buo sa lahat ng mga miyembro ng national Team, gayundin ng mga coach.

Ayon kay Tolentino, suportado ito nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Senate president Tito Sotto.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

“With the speaker (Cayetano) on board, we are trying to put it on Bayanihan 2. Senate President Sotto also gave me a nod,” pahayag ni Tolentino, pangulo rin ng Philippine Olympic Committee, ang Olympic body para sa bansa.

Bunsod ng COVID-19 pandemic, nabawasan ang buwanang remittance ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa Philippine Sports Commission (PSC) kung kaya’t nagdesisyon ang sports agency na bawasan ng 50 porsiyento ang buwanang allowances ng mga atleta para umabot ang pondo hanggang Disyembre.

Determinado si Tolentino na maibigay ang allowances ng mahigit sa libu-libong pambansang atleta at coaches mula Hulyo hanggang Disyembre ng buo. Tumatanngap ng pinakamataas na P60,000 at pinakamababang P15,000 allowances ang mga atletang Pinoy.

Samantala, inimbitahan ng Technical Working Group ng Inter-Agency Task Force ang mga lider ng Maharlika Pilipinas Basketball League, Premier Volleyball Federation, Philippine Superliga at iba pang liga o organisasyon na kabilang sa semi-pro at amateur ranks sa pagpupulong via zoom bukas upang matugunan ang kanilang kahilingan na makapagbalik aksiyon.

Inaasahang maisasama ang kahilingan ng mga ito sa Joint Administrative Order (JAO) na isinumite ng Games and Amusement Board, Philippine Sports Commission at Department of Health.

Sa naunang desisyon ng IATF ensayo lamang na may limitadong bilang ang inaprubahan sa Philippine Basketball Association at Philippine Football League.

-Bert de Guzman