Patay ang isang piskal matapos tambangan at paulanan ng bala ng mga hindi nakilalang gunman sa Paco, Manila kahapon ng umaga.
Batay sa inisyal na ulat ng Manila Police District (MPD)- Ermita Police Station 5 (PS-5), wasak ang mukha ng biktimang si Chief Inquest Prosecutor Jovencio Senados, 62 anyos, at residente ng Villa Palao, Calamba, Laguna dahil sa tinamong mga tama ng bala.
Hindi naman nasaktan sa insidente ang driver ni Senados.
Samantala, nakatakas ang mga ‘di kilalang suspek na lulan ng itim na Sports Utility Vehicle (SUV) na may plakang ABG-8133.
Batay sa pagsisiyasat, dakong 11:05 ng umaga nang mangyari ang pananambang sa biktima sa panulukan ng Qurino Highway at Anakbayan Street, sa Paco.
Sakay ang biktima ng kanyang kulay pulang Toyota Yaris at binabaybay ang naturang lugar patungo sana sa Manila City Hall nang bigla na lang agapayanan ng SUV na sinasakyan ng mga suspek at kaagad na pinaulanan ng bala.
Nang matiyak na napuruhan ang target ay mabilis nang tumakas ang mga suspek na pinaghahanap na ngayon ng mga awtoridad.
Kinondena ng mga kapwa piskal ang pagpatay kay Senados.
Sa isang pahayag, sinabi ni Prosecutor General Benedicto Malcontento na gagawin nila ang lahat upang mabigyan ng hustisya ang biktima.
“We condemn this to the highest level. We will avail all the resources of the DOJ (Department of Justice) to obtain justice,” bahagi pa ng pahayag ni Malcontento.
Kaugnay nito, inatasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa nangyari kay Senados.
—Mary Ann Santiago at Beth D. Camia