STA. ROSA CITY, Laguna- Arestado ang kilabot na drug pusher na miyembro ng isang drug group sa isang buy-bust operation sa Barangay Dita, Lunes ng hapon sa lungsod na ito.
Ang suspek ay si Jun Larino, a.k.a. “Jun”, 41 anyos, tricycle driver, at residente ng of 225 Bgy. Lecheria, Calamba City, Laguna, at nakatakas naman si Monica Sali, a.k.a. “Aiza” a.k.a. “Precious Monique”, at residente ng Bgy. Looc, Calamba City.
Dakong 12:30 ng hapon sa National Highway sa nasabing lugar ang mga tauhan ng Provincial Intelligence Unit, Provincial Drug Enforcement Unit at
Sta Rosa City Police Station ay nagsagawa ng operasyon laban sa suspek.
Huli sa akto ang suspek nang magbenta ng shabu sa isang ahente ng pulis subalit nakatakbo si Sali.
Nakuha ng pulisya sa suspek ang sling bag na may laman 10 sachet ng shabu na tumitimbang ng may 26 na gramo at nagkakahalaga ng P208,000, cellular phone at ice pick.
—Danny Estacio