Mismong si Manila Mayor Isko Moreno ang nag-anunsiyo na tatlong mataas na opisyal ng city government ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) nitong nakaraang linggo.
Ang malungkot na balita ay iniulat ng alkalde sa flag-raising ceremony sa Manila City Hall nitong Lunes, Hulyo 6.
Kaugnay nito, muli rin siyang nanawagan sa publiko na sikaping sundin ang mga itinakdang health protocols upang matiyak ang kaligtasan laban sa virus.
“Today is the saddest day… three of our key officials were infected. This shows that nobody is excused from the deadly virus,” pahayag ni Moreno kung saan binanggit nito si city administrator Felix Espiritu na isa sa mga unang pasyente na nakaligtas sa mapamuksang sakit.
Sinabi ni Moreno na minsan pa, sila ni Vice Mayor Honey Lacuna ay na-exposed sa virus dahil sa kanilang interaksyon sa mga infected officials sa umaga at gabi, pero mapalad naman na sila ay kapuwa nag-negative nang mag-swab testing noong isang linggo.
Ayon pa kay Moreno, tatlong ulit na siyang na-exposed sa virus carrier at na-swabbed at negatibo ang resulta kaya’t laking pasalamat ng alkalde.
“Nandiyan po si COVID hinihintay po tayo. ‘Wag ninyong hayaan na malagay kayo sa alanganin, It’s really dangerous and we really have to take care of ourselves. Simple lang, wear your mask, wash your hands, keep particular distance, stay home as much as possible and practice due diligence,” aniya pa.
-Mary Ann Santiago