Nagbigay ng paglilinaw si Sen. Robin Padilla kaugnay sa hindi niya pagsipot sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Kumakalat daw kasi ang usap-usapan tungkol sa umano’y pambabastos ni Padilla sa SONA ng Pangulo.
Kaya sa isang Facebook post ng senador nitong Martes, Hulyo 28, itinanggi niya ang naturang paratang kahit siya ay miyembro ng oposisyon.
“Sa kabila ng aking paninindigan bilang kasapi ng oposisyon, kailanman ay hindi ko binastos o binalahura ang pagkatao ni Pangulong Marcos Jr. Hindi ganoon ang aking prinsipyo pagdating sa personal na pagkakaibigan,” saad ni Padilla.
Dagdag pa niya, “Kung kaya’t bilang isang personal na kaibigan at kinatawan ng politikal na oposisyon, minarapat ko na lamang na huwag nang dumalo sa State of the Nation Address (SONA).”
Paliwanag ng senador, iniiwasan niya raw na maulit ang nangyari sa SONA ni Marcos, Jr. noong 2024. Agaw-pansin daw kasi ang kawalan niya ng reaksiyon sa ulat ng Pangulo habang ang iba ay nagpapalakpakan at nagpupugay.
"Hindi ko na mairerekomenda na mauwi muli sa ganoong sitwasyon ang aming ugnayan bilang magkaibigan.Ang SONA ay araw ng Pangulo; ito ay kanyang pagkakataon na mag-ulat sa bayan," dugtong pa ni Padilla.
Matatandaang bukod kay Padilla, hindi rin dumalo ang mga iba pang kasapi ng Senate minority bloc na sina Sen. Alan Peter Cayetano, Sen. Imee Marcos, Sen. Pia Cayetano, Sen. Loren Legarda, Sen. Mark Villar, at Sen. Bong Go.
Habang sina Sen. Rodante Marcoleta, Sen. Jinggoy Estrada, at Sen. Ronald dela Rosa naman ay nahaharap sa legal challenges.