Kinuwestiyon ni Sen. Rodante Marcoleta ang tila hindi pagbabanggit ng pangalan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kay dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Rep. Martin Romualdez sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes, Hulyo 27, 2026.
Matatandaang inihayag ni PBBM sa kaniya SONA na malapit na raw masampahan ng kaso ang “dating House Speaker” ngunit hindi binanggit mismo ang pangalan ng pinsang si Romualdez.
“At dumating na tayo sa punto, na ayon sa Ombudsman, ay malapit na ang paghahain ng patong-patong na kaso laban sa dating Speaker. Masakit man sa akin ito, ngunit kailangan nating gawin ang tama,” aniya.
Sa naging pahayag naman ni Marcoleta sa panayam sa kaniya ng media nitong Martes, Hulyo 28, sinabi niyang dapat ba raw na iyon na lang ang narinig ng publiko sa Pangulo habang hindi raw nito tinutukoy ang naturang mambabatas.
“Dapat ba ganoon lang ang narinig natin? Dapat ba ‘yong ‘malapit nang sampahan?’ Hindi man lang binanggit ang pangalan kung sino ‘yong former Speaker? Maraming former Speaker,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “‘Yon ba ang inaasahan ninyo na sasabihin lang. Kasi talagang dapat nating hanapin talaga ang puno’t dulo ng pangyayaring ito.”
Ani Marcoleta, ang flood control project anomalies, na isa sa kaniyang tinututukan noon, ang pinakamalaki raw na kaso ng pagnanakaw sa kaban ng bayan at higit pa raw ang inaasahan ng publiko sa naging SONA ng Pangulo.
“Kung halimbawa ito ay napakahalagang mensahe para sa ating bansa, dapat lang ba ganoon na lang ang sinabi? Ito ang pinakamalaking pagnanakawan sa ating kabang-bayan,” diin niya.
‘Hindi ba higit doon ang dapat na inaasahan nating lahat?” pagtatapos pa niya.
Kasalukuyang nakapiit si Marcoleta sa kustodiya ng New Quezon City Jail, Male Dormitory sa Payatas, Quezon City dahil sa kinakaharap niyang mga kasong non-bailable plunder case, indirect bribery, at paglabag sa tatlong counts ng Presidential Decree No. 46 na nagbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan na tumanggap o magbigay ng regalo sa mga pribadong indibidwal.
KAUGNAY NA BALITA: Sigaw ni Marcoleta sa mga kaso: 'Not guilty!'
KAUGNAY NA BALITA: 'It's a miracle!' Sen. Ping, tumirada sa pagwe-wheelchair, ‘brisk walk’ ni Sen. Marcoleta