Muling humarap sa Sandiganbayan Third Division sa Quezon City si Sen. Rodante Marcoleta nitong Miyerkules, Hulyo 22, kung saan pormal niyang itinanggi ang mga kasong plunder at paglabag sa Presidential Decree No. 46 na isinampa laban sa kaniya.
Sa ulat ng Manila Bulletin, naghain si Marcoleta ng "not guilty" plea sa dalawang magkahiwalay na kaso, sa pagpapatuloy ng arraignment ng kaniyang kaso.
Ang PD No. 46 ay isang batas na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na tumanggap ng regalo, pabor, o iba pang benepisyo dahil sa kanilang posisyon sa pamahalaan.
Samantala, itinanggi rin ng senador ang akusasyong plunder na may kaugnayan sa umano'y ₱75 milyong donasyon, na naging batayan ng reklamong isinampa sa ilalim ng Republic Act No. 7080.
Nauna nang naghain ang kampo ni Marcoleta ng motion to quash upang ibasura ang kasong plunder. Gayunman, binawi ito ng kanyang depensa bago ang arraignment upang maipagpatuloy ang paglilitis sa parehong kaso sa iisang araw.
Maki-Balita: Sen. Marcoleta, naka-wheelchair na dinala sa Sandiganbayan para sa pagdinig ng kasong plunder
Ipinaliwanag ng abogado ng senador sa korte na ang hakbang ay ginawa upang mapabilis ang proseso ng pagdinig.
Nang tanungin ng Sandiganbayan kung boluntaryo niyang sinang-ayunan ang pagbawi sa motion to quash at kung napag-usapan ito kasama ang kanyang mga abogado, sumagot si Marcoleta ng "Yes, Your Honor."
Aniya, napagkaisahan ang desisyon matapos ang masusing konsultasyon sa kaniyang legal team at sa mga abogado ng kaniyang mga kapwa akusado.
Sa kasong paglabag sa PD No. 46, kapwa kinasuhan sina Marcoleta at negosyanteng Joseph Espiritu kaugnay ng umano'y ₱25 milyong ibinigay sa senador noong siya pa ang kinatawan ng SAGIP Party-list sa Kamara.
Ayon sa prosekusyon, ibinigay umano ni Espiritu ang naturang halaga kay Marcoleta dahil sa kanyang opisyal na posisyon at tungkulin bilang mambabatas.
Nagpasok din ng not guilty plea si Espiritu sa naturang kaso.
Samantala, noong Hulyo 15, nauna nang humarap sa arraignment ang mga kapwa akusado ni Marcoleta sa kasong plunder na sina dating Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor, Joseph Espiritu, at negosyanteng Aristotle Viray, na kapwa rin nagpahayag ng kanilang pagiging inosente sa mga paratang.
Magpapatuloy ang pagdinig sa Sandiganbayan para sa susunod na yugto ng paglilitis sa mga kasong kinahaharap ng senador at ng kaniyang mga kapwa akusado.