Naka-wheelchair na humarap sa Sandiganbayan nitong Miyerkules, Hulyo 15, si Sen. Rodante Marcoleta para sa pagdinig ng kasong plunder na isinampa laban sa kaniya ng Office of the Ombudsman.
Si Marcoleta ay nananatiling naka-confine sa Philippine National Police (PNP) General Hospital sa Camp Crame mula nang arestuhin noong Hulyo 6, matapos umanong makaranas ng pananakit ng dibdib at mataas na presyon ng dugo o hypertension.
Sa naturang pagdinig, inaasahang susuriin ng Sandiganbayan ang kondisyon ng senador upang matukoy kung maaari na ba siyang ilipat sa isang jail facility habang dinidinig ang kaniyang kaso.
Nag-ugat ang kaso laban kay Marcoleta sa umano'y hindi pagdedeklara ng ₱ 75 milyong campaign contribution na kaniyang inaming natanggap mula sa tatlong donor, sa pagtakbo sa 2025 midterm elections. Kabilang umano sa mga donor ang dating Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor.
Nauna nang na-flag ng Commission on Elections (Comelec) ang naturang halaga dahil umano sa hindi pagsasama nito sa kaniyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE), na kalaunan ay naging bahagi ng reklamong isinampa sa Office of the Ombudsman.
Kasabay nito, dumalo rin sa hiwalay na pagdinig sa Sandiganbayan si Defensor kaugnay ng parehong kaso. Pareho nilang hinaharap ang mga alegasyong may kaugnayan sa umano'y iregularidad sa campaign financing noong nakaraang halalan.
Lumutang din kamakailan ang kaniyang pangalan sa mga alegasyong ibinunyag ng 18 dating miyembro ng Philippine Marines, na umano'y nagsilbing mga "bagman" ng dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Ayon sa mga dating Marino, inutusan umano silang maghatid ng mga maleta na naglalaman ng malaking halaga ng pera sa ilang politiko at personalidad. Gayunman, nananatiling mga alegasyon pa lamang ang mga ito at wala pang pinal na desisyon ng korte na nagpapatunay sa naturang mga paratang.
Maki-Balita: Mike Defensor, dinala na sa Sandiganbayan sa pagdinig ng kasong plunder!
Maki-Balita: Warrant of arrest, hold departure order, inilabas laban kay Sen. Marcoleta, at iba pa!