Inihatid na sa Sandiganbayan sa Quezon City nitong Miyerkules, Hulyo 15, si dating Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor para sa pagdinig ng kasong plunder na isinampa laban sa kaniya ng Office of the Ombudsman.
Matatandaang ang kaso ay kaugnay ng naging pag-amin ni Sen. Rodante Marcoleta, na nahaharap din sa kasong plunder, na nakatanggap umano siya ng ₱75 milyon mula sa tatlong campaign donors, kabilang umano si Defensor, bilang suporta sa kaniyang kandidatura noong 2025 midterm elections.
Ang naturang halaga ay kalaunang sinita ng Commission on Elections (Comelec) dahil sa umano'y hindi pagdedeklara nito sa kaniyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
Maki-Balita: Warrant of arrest, hold departure order, inilabas laban kay Sen. Marcoleta, at iba pa!
Bukod kay Defensor, nadawit din sa kontrobersiya ang iba pang personalidad na iniuugnay sa umano'y iregularidad sa campaign financing.
Si Defensor ay isang beteranong politiko na nagsilbing kinatawan ng Anakalusugan Party-list at naging kalihim din ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Kilala rin siya bilang dating konsehal at kongresista ng Quezon City.
Samantala, naging bahagi rin ng mga ulat ang pangalan ni Defensor kaugnay ng mga alegasyon ng 18 dating miyembro ng Philippine Marines na umano'y nagsilbing "bagmen" ng dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Ayon sa mga pahayag ng mga dating Marino, inutusan umano silang maghatid ng mga maleta na naglalaman ng malaking halaga ng pera sa iba't ibang politiko, opisyal ng gobyerno, at iba pang personalidad. Kabilang umano sa mga nabanggit sa kanilang mga testimonya ang ilang kilalang pangalan sa politika, kabilang na si Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker na si Martin Romualdez.
Kamakailan lamang, kinasuhan na rin ng cyber libel ang tumatayong legal counsel ng 18 ex-Marines na si Atty. Levi Baligod.
Maki-Balita: 'Makukulong n'yo kami at mapapatahimik pero hindi kami susuko!'—Mike Defensor
Maki-Balita: 'Ayaw lumaban nang patas!' Atty. Baligod, pumalag sa warrant laban sa kaniya