Umalma ang tumatayong abogado ng 18 ex-bodyguards na si Atty. Levito “Levi” Baligod kaugnay sa inilabas na arrest warrant ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 148 noong Lunes, Hulyo 13, 2026.
Matatandaan kasing opisyal na naglabas ng warrant of arrest ang Makati RTC laban kay Baligod kaugnay umano sa kinakaharap niyang kasong cyberlibel.
Sa naging tugon naman ni Baligod sa pamamagitan ng pagpo-post niya ng kopya ng arrest warrant laban sa kaniya sa kaniyang Facebook account noon ding Lunes, sinabi niyang nakalusot daw ang kasong isinampa sa kaniya ni Department of Agriculture (DA) Francisco Tiu Laurel, Jr.
Depensa ni Baligod, hindi raw niya natanggap ang subpoena laban sa kaniya at nakapagsumite ng counter-affidavit dahil mali raw ang inilagay niyang address sa piskalya noon.
“Kakatanggap ko ngayon ang kopya ng Warrant of Arrest laban sa akin,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Nakalusot ang kaso na ito ni DA Secretary Laurel Tiu dahil sadyang MALI ang binigay na address ko sa Piskalya, kaya naman hindi ako nakatanggap ng subpoena at hindi naka-sumite ng counter-affidavit.”
Screenshot mula sa
“Ayaw lumaban ng patas haha,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag si Laurel kaugnay rito.
Batay sa arrest warrant laban kay Baligod, nakatakdang ikasa ang naturang pagdakip sa abogado sa darating Miyerkules, Hulyo 15, 2026.
Maaari namang makapagpiyansa si Baligod ng ₱20,000 sa bawat count ng dalawang cyberlibel na kinakaharap niya.
Kaugnay nito, matatandaang nagsampa rin ng kaso sa Mandaluyong Prosecutor’s Office si Sen. Erwin Tulfo noong Hulyo 8, 2026, laban kina Baligod, dating Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor, Quezon City Councilor Ranulfo Ludovica, Atty. Virgilio Garcia, at dalawang lumitaw na ex-bodyguards na nagngangalang sina Jeron Valderama at Bernard Gumban.
Tungkol naman ito sa pagkakadawit ni Tulfo sa joint affidavit ng 18 ex-Marines bilang nahatiran umano nila ng male-maletang pera noon.
Binanggit ito sa dinaluhang pagdinig ng naturang grupo sa ikinasang Senate Blue Ribbon Committee meeting sa pangunguna nina Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. Rodante Marcoleta noong Hunyo 4, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Erwin Tulfo, binakbakan ng kaso sina Atty. Baligod, Defensor, 4 na iba pa!
KAUGNAY NA BALITA: Atty. Levi Baligod, tumiklop sa pagsawsaw sa maleta isyu ng B22 kay Sen. Kiko!