Pinabulaanan ni Atty. Levito “Levi” Baligod na pinaratangan ng mga nagpakilalang ex-bodyguards ni former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co o “Bagmen 22” (B22) si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na nakatanggap daw ang huli ng male-maletang pera.
Matatandaang mariing itinanggi ni Pangilinan noong Hunyo 16, 2026, ang alegasyon ng ex-bodyguards na umano'y tumanggap din siya ng mga maleta ng pera, kasabay ng babalang magsasampa siya ng kaso laban sa mga nagpapakalat ng naturang paratang.
Dagdag pa rito, matatandaan ding inihayag sa publiko ni Megastar Sharon Cuneta ang kaniyang galit sa pagkakadawit ng mister na si Pangilinan sa maanomalyang maleta isyu.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Kiko, idinawit sa maleta issue: 'Pananagutan n'yo ang paninirang ginagawa n'yo!'
KAUGNAY NA BALITA: Sharon, nanggigil sa pagdawit kay Sen. Kiko: 'Hindi kami tulad ninyong mga sinungaling!'
Sa naging pahayag naman ni Baligod sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Hunyo 20, sinabi niyang wala naman daw kinomenta ang ex-bodyguards nang lumabas ang naturang picture ni Pangilinan sa isinagawa nilang press conference noong Hunyo 16.
Buwelta niya, nagmukha raw “defensive” sina Pangilinan, Sharon, at fans nila kaugnay sa lumabas na reaksyon ng mga nabanggit.
“Totoo naman na [walang] comment ang mga sundalo sa particular picture na ito pero kung makapag-react sila at mga fans nila ay mukhang [defensive] tuloy,” pagsisimula niya.
Screenshot mula sa post ni Baligod.
Ani Baligod, sinabi pa raw nina Sharon na sinungaling ang ex-bodyguards kahit wala naman daw talagang kinomento ang naturang grupo.
“Sinabi niyo ‘sinungaling’ ang B22 kahit wala naman silang comment sa picture na ito dahil ibang witnesses ang makakapagpaliwanag niyan,” patutsada ng abogado.
Pagpapatuloy pa niya, tanda raw ng naging reaksyon nina Pangilinan ang kanilang pagiging tamad at mapanghusga.
“That’s proof of your indolence and prejudgment, nitpickers!” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa naman inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang kampo ni Pangilinan kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Sharon, nagbabanat pa rin ng buto: 'Lahat ng meron kami, pinaghihirapan namin!'