Mariing itinanggi ni Sen. Kiko Pangilinan ang alegasyon ng mga dating bagmen ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na umano'y tumanggap din siya ng mga maleta ng pera, kasabay ng babalang magsasampa siya ng kaso laban sa mga nagpapakalat ng naturang paratang.
Matatandaang nagdaos ng media conference si dating Anakalusugan partylist Rep. Mike Defensor sa Quezon City nitong Martes, Hunyo 16, kung saan muling nagbanggit ng mga pangalan ang mga umano'y dating bagment ni Co, na nagdedeliver ng male-maletang pera sa iba't ibang mga mambabatas at personalidad.
Sa inilabas na pahayag na pinamagatang "Statement on Suitcases," sinabi ni Pangilinan na pawang alegasyon lamang at walang matibay na basehan ang mga ibinabatong akusasyon laban sa kaniya.
"Puro pasaring. Puro alegasyon. Puro palabas," saad ng senador.
Ayon kay Pangilinan, naniniwala siyang layunin lamang ng mga paratang na sirain ang kaniyang kredibilidad kasunod ng mga ulat tungkol sa kaniyang pag-upo bilang chairperson ng Senate Blue Ribbon Subcommittee na magsasagawa ng imbestigasyon sa umano'y flood-control scam.
"Gusto lang mantsahan ang naiulat na pag-upo ko bilang chairperson ng Senate Blue Ribbon Subcommittee na mag-iimbestiga sa flood-control scam," aniya.
Iginiit din ng senador na wala umanong kahit katiting na ebidensya na mag-uugnay sa kaniya sa mga alegasyong may kinalaman sa mga maleta at sa umano'y nawawalang pondo ng gobyerno.
"Wala ni katiting na basehan ang mga tangkang pagdungis sa aking pagkatao ng mga nagpa-presscon tungkol sa mga maletang kaugnay sa bilyon-bilyong pisong ninakaw sa kaban ng bayan," dagdag niya.
Lalong umigting ang reaksiyon ni Pangilinan matapos umanong madamay maging ang kanyang pamilya sa isyu.
Dahil dito, nagbabala siyang hindi na lamang siya sasagot sa pamamagitan ng mga pahayag sa publiko kundi maghahain na ng kaukulang reklamo sa korte laban sa mga responsable.
"At dahil dinamay niyo pa ang pamilya ko, makakatikim kayo ng hindi pasaring, alegasyon, o palabas na kaso sa korte. Pananagutan ninyo ang paninirang ginagawa niyo," diin niya.
Photo courtesy: Screenshot from Kiko Pangilinan (FB)