Isang pulis ang sugatan nang mabangga ng motorista habang nagbabantay sa isang checkpoint kaugnay ng ipinatutupad na enhanced community quarantine sa Luzon, sa Sampaloc, Maynila nitong Biyernes ng gabi.
Nilalapatan na ng lunas sa Chinese General Hospital ang biktimang si P/Corporal Charlton Jay Estavillo y Manuel, imbestigador ng Manila Police District (MPD)- Sampaloc Police Station 4 (PS-4), bunsod ng pinsalang tinamo sa katawan habang arestado naman ang driver ng Toyota Vios 2013 na may plakang URO143 na si Philip Anthony Ipapo, 37, at taga-2811 South Tower La Verti Residences, Barangay San Isidro, Pasay City.
Sa ulat ng MPD, ang insidente ay naganap sa panulukan ng Espana Boulevard at Blumentritt Street, dakong 8:00 ng gabi.
Kasalukuyan umanong nagbabantay sa checkpoint ang pulis at habang kumukuha ng temperatura sa mga dumaraang motorista, nang bigla na lang itong mahagip ng Toyota Vios na patungo sa Quiapo area.
Ikinatwiran umano ng driver na hindi niya napansin ang biktima dahil gabi na, gayung maliwanag o well lighted naman umano ang lugar.
Agad namang sinaklolohan ng Raha Volunteer si Estavillo at isinugod sa nasabing pagamutan kung saan siya sumailalim sa X-ray at CT scan.
Samantala, ikinalungkot naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, P/MGEN Debold Sinas at pinaalalahanan ang publiko na bagalan ang pagpapatakbo kung alam na malapit na sa checkpoints.
“I am saddened by this report because I know that this policeman, has sacrificed a lot to secure the safety of the residents of Manila. To our fellowmen, if you feel sleepy, tired or sick, please stay at home. The police officers are working for your safety, please stay at home for us”, aniya.
Tiniyak rin ni Sinas na ang NCRPO ay magkakaloob ng medical assistance na kakailanganin ni Estavillo.
-Mary Ann Santiago