July 31, 2026

Home BALITA National

'Malayo kumpara sa int'l media:' VP Sara, pumatutsada sa kalidad ng 'journalism' sa Pinas!

'Malayo kumpara sa int'l media:' VP Sara, pumatutsada sa kalidad ng 'journalism' sa Pinas!
Photo courtesy: File Photo, OVP

Pinuna ni Vice President Sara Duterte na malayo umano ang kalidad ng pamamahayag sa Pilipinas kung ikukumpara ito sa pang-internasyonal na media. 

Sa naging pahayag ni VP Sara sa The Hague, Netherlands, noong Huwebes, Hulyo 30, 2026, sinabi niyang hindi raw talaga uunlad ang bansa kung mananatili raw ang paglalagay ng media sa pamilya Duterte sa “bad light.” 

Paliwanag niya, napakalayo raw ng kalidad o paraan sa paghahanap mga aktibidad o pangyayari na ibabalita ang media sa ibang mga bansa kumpara sa Pinas. 

“Kasi kung makikita mo ang international media. Paano sila mag-present ng balita, paano sila naghahanap ng mga bagay o mga aktibidad, o mga pangyayari na ibabalita, napakalayo ng kalidad ng journalism sa ibang bansa ikumpara mo sa atin sa Pilipinas,” pagsisimula niya. 

Patutsada ni VP Sara, wala raw mangyayari sa Pinas kung gagawin ng pamamahayag o mainstream media na Diyos ang pera bilang batayan kanilang pag-uulat ng balita. 

National

July inflation, maaaring umabot ng 5.6% hanggang 6.6%—BSP

“Nakita n’yo ang example kung paano maglahad, mag-present ng balita ang ating media outlets. Unfortunately, kung gagawin talaga natin araw-araw na Diyos ang pera, wala talagang pagbabago na mangyayari sa ating bansa,” aniya. 

Dagdag pa niya, “Sa journalism man, sa mainstream media man, o sa iba’t ibang aspeto ng ating bayan.” 

Giit ng bise presidente, mabuti na lang umano at mayroon nang social media kung saan nailalabas daw ang mga pawang katotohanan at pangyayaring nasaksihan mismo ng mga tao. 

“Buti na lang meron na tayong social media ngayon. Kung saan nakikita natin kung ano talaga ‘yong katotohanan na nakita ng tao at lumabas sa bibig ng tao,” ‘ika niya. 

Hinaing pa niya, “Nakakalungkot na marami sa ating mga Pilipino na ginawang Diyos ang pera. Dapat ang gawin nating guide sa ating pang-araw-araw ay ‘yong pagiging Pilipino natin. Bayanihan, disiplina, resilience, at iba’t iba pang magandang asal ng Pilipino.” 

Pagpapatuloy ni VP Sara, hindi naman daw kilalang “greedy” o sakim ang mga Pilipino noong unang panahon at nagbago na lang daw ito sa kagagawan ng salapi sa paglipas ng mga taon. 

“Hindi naman kilala ang mga Pilipino noon. Noong unang panahon, hindi kilala ang mga Pilipino to be greedy. But somehow… along the way, through the years, nagkaniya-kaniya ‘yong mga Pilipino at naging Diyos nila ang pera,” diin niya. 

“Hindi lahat. Naging Diyos ng iba ang pera,” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara kay PBBM: 'May problema ako sa kaniya bilang Presidente dahil he's a weak leader!'

KAUGNAY NA BALITA: 'Ang ICC ay tuta ni Trillanes at ni Marcos!'—VP Sara