Nilinaw sa publiko ni Vice President Sara Duterte na wala raw siyang personal na problema bilang tao kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kundi may problema lang daw siya sa pamumuno ng huli bilang Presidente.
Sa naging pahayag ni VP Sara noong Huwebes (araw sa The Hague, Netherlands), Hulyo 30, 2026, binuwelta niyang “weak” o mahinang leader umano si PBBM dahil kasalukuyang nahaharap sa kaguluhan ang Pilipinas.
“Wala kaming away ni BBM. Wala akong problema sa kaniya bilang tao,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “May problema ako sa kaniya bilang Presidente dahil he’s a weak leader and the country is in chaos.”
Paglilinaw ni VP Sara, hindi naman daw literal o pisikal na kaguluhan ang kinakaharap ng bansa, sa halip, nagkakaniya-kaniya na raw kasi ang mga opisyal ng pamahalaan at wala na raw respeto ang karamihan sa isa’t isa.
“Not literal chaos na nagkakagulo tayo, physical chaos, nagkakaniya-kaniya ‘yong mga tao sa gobyerno. Wala nang respeto ang mga tao sa isa’t isa,” aniya.
Anang bise presidente, karapatan daw niya bilang mamamayan ng bansa ang magpahayag ng kaniyang saloobin at muli niyang nilinaw na wala raw silang personal na alitan ng Pangulo.
“Wala kaming alitan na personal na dalawa. Baka para sa kaniya meron, pero para sa akin wala,” saad niya.
“Whatever I say, whatever comment I have with his administration and with the government right now is my right to my freedom of speech,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag ang Pangulo o maging Palasyo kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, tumiradang ₱5k lang mag-hire ng gunman sa Pilipinas!
KAUGNAY NA BALITA: 'Ang ICC ay tuta ni Trillanes at ni Marcos!'—VP Sara