Plano ng pamahalaan na ulitin ang pagsailalim sa coronavirus disease 2019 test kina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Christopher Lawrence Go, sakaling magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) si Health Secretary Francisco Duque III.

Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, ito’y upang matiyak na nasa magandang kalusugan ang mga naturang opisyal, na madalas na makahalubilo ni Duque sa mga pagpupulong hinggil sa krisis na kinakaharap ngayon ng bansa.

Tiniyak naman ni Vergeire na nananatili pang asymptomatic si Duque at maayos ang kalusugan, maliban sa bahagyang ubo, na dulot umano ng kanyang asthma.

Matatandaang una nang nag-self quarantine si Duque matapos na ma-expose sa isang direktor ng Department of Health (DOH) na nagpositibo sa virus.

National

Meralco, tapyas-singil sa kuryente ngayong Mayo

Sina Pangulong Duterte at Go ay nauna nang sinuri sa COVID 19 pero kapwa nag negatibo mula sa virus.

Inaasahan namang lalabas ang resulta naman ng pagsusuri kay Duque sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.

Sa ngayon ay patuloy na nagpapalakas ng katawan at resistensya si Duque at patuloy na nagtatrabaho habang naka-home quarantine.

KAPITAN, KAKASUHAN

SA ‘FAKE NEWS’

Isang barangay chairman sa Marikina City ang sasampahan ng kaso ng lokal na pamahalaan matapos na umano’y magpakalat ng maling impormasyon hinggil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), na nagdulot ng pangamba ng mga residente.

Ayon kay Marikina City Mayor Marcy Teodoro, si Barangay Tumana Chairman Ziffred Ancheta ay mahaharap sa kasong Unlawful Means of Publication and Unlawful Utterances, paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code in relation to Republic Act 10951 (Anti-Cybercrime Law).

Nag-ugat ang pagsasampa ng kaso kay Ancheta, sa isang Facebook live nito, dakong 1:00 ng hapon ng Marso 19, kung saan inianunsiyo nito na may residente ng Barangay Tumana ang dinapuan ng COVID-19, na nagdulot ng panic at takot sa mga residente.

Pinabulaanan naman ng Marikina City Health Office (CHO), at Rescue 161 ang naturang impormasyon.

Ayon kay Dr. Alberto Herrera, City Health Officer, ang naturang Person Under Investigation (PUI), na nagtatrabaho bilang security guard sa Greenhills, ay hindi pa COVID-19 positive o confirmed COVID case, na taliwas sa sinabi ni Ancheta sa kanyang Facebook live.

Aniya pa, batay sa COVID-19 Policy and Protocol, sa umiiral na Data Privacy Act, anumang vital information o mahahalagang impormasyon ng isang pasyente ay hindi maaaring ihayag sa publiko.

Tanging ang Department of Health (DOH) lamang rin aniya ang maaaring magbigay ng impormasyon hinggil sa pasyente, sa pamamagitan ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Ang DOH rin lamang umano ang dapat na magpaalam sa concerned local government unit, CHO, at City Epidemiological Surveillance Unit (CESU) nito, para sa pagsasagawa ng anumang health intervention gaya ng contact tracing, monitoring sa mga kaanak ng pasyente, disinfection activity at iba pang health preventive at control measures.

Sa isang liham kay DILG City OIC Director Alona Raymundo, sinabi ni Rescue 161 Chief Dave David na ang ginawa ni Ancheta ay direktang paglabag sa protocol na itinakda ng DOH, lalo na at nagdulot ito ng panik, takot, at trauma sa mga residente.

PINOY SA MACAU,

NAHAWA NA

Kinumpirma naman kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isang Pilipino ang nagpositibo sa virus.

Ayon sa natanggap na ulat ng DFA mula sa Konsulado ng Pilipinas sa Macau, ang nasabing Pinoy ay isang non-resident worker sa Macau,at ika-15 kaso ng COVID-19 infection na naitala sa naturang special administrative region.

Sa ngayon ay puspusan ang pakikipagtulungan ng Konsulado sa mga awtoridad sa Macau upang makakalap ng mga detalye sa travel history ng nasabing Pinoy, gayundin sa mga taong nakasalamuha nito simula nang dumating siya sa Macau.

Nakahanda naman ang Konsulado na magkaloob ng ayuda kung kailangan.

SARILING OSPITAL

VS COVID-19

Iginiit naman ni Go ang pagkakaroon ng hiwalay na ospital para lamang sa mga pasyente na may COVID-19 upang maiwasan namakahawa sa ibang pasyente.

“Mahirap kung kalat-kalat sa iba’t ibang mga ospital ang mga pasyente na positibo o posibleng may COVID-19. By designating specific hospitals, it is easier for the government to monitor the progress of the patients and in positioning logistics and other resources. It also lessens possible exposure of COVID-19 positive patients to other non-infected individuals in hospitals,” sabi ng opisyal.

VISA ISSUANCE, SINUSPINDE

Inihayag din ng DFA sa publiko ang pansamantalang suspensiyon ng pagpapalabas ng visa sa lahat ng kanyang Foreign Service Posts na agad na ipinatupad at balido hanggang wala pang inilalabas na abiso.

Ang temporary suspension ng visa issuance ay alinsunod sa Proclamation No. 922, na may petsang Marso 8, 2020, na nagdedeklara ng “State of Public Health Emergency” sa buong Pilipinas; at ng Proclamation No. 929, na may petsang Marso 16, 2020,na nagdedeklara nama ng “State of Calamity” sa buong bansa dahil sa COVID-19.

Sa naturang hakbang, ang lahat ng pribilehiyo sa visa-free kasama na ang Visa Waiver Agreements, mga nasa ilalim ng Executive Order 408, s.1960, at may hawak/holders ng Hong Kong at Macau SAR passports, Macau-Portuguese passports, at British National Overseas passports, ay pawang pansamantalang sinuspinde, epektibo sa Marso 22,2020.

Binigyang-diin din na ang mag dayuhang asawa at anak ng mga Pilipino ay exempted mula sa nasabing temporary suspension.

“The temporary suspension of visa issuance will deem all previously issued visas canceled, and foreigners with visas issued by Philippine Foreign Service Posts (primarily 9a Temporary Visitor/Tourist visas) will not be allowed entry into the country starting 22 March 2020,” ayon sa DFA.

Samantala, sinabi ng DFA na ang temporary suspension ay walang epekto sa mga dayuhan na nasa bansa na o ng mga may hawak ng visa na inisyu ng ibang ahensiya ng gobyerno.

P11.5-M DISASTER FUND, INILABAS

Mahigit dalawang toneladang karne ng manok ang ipinamigay ng Pamahalaang Lungsod sa 21 barangay sa Malabon City, para sa mga residente na naka- enhanced community quarantine , CONVID -19 sa bansa.

Kasabay nito, inihayag ni Mayor Antolin Oreta na inilabas na ng local government unit ang P11.5 milyon mula sa local disaster fund na magsisilbing financial assistance sa mga residente na apektado ng COVID-19 ang pamumuhay.

CABANATUAN CITY, NAGHIGPIT

Naghigpit naman ang Cabanatuan City government sa pamamalengke ng nmga residente nito.

Mula 5:30 ng madaling hanggang 2:30 ng hapon na lamang ang ibinigay na panahon ng mga residente upang makapamili ng kanilang pangunahing pangangailangan sa Sangitan Public Market at isa public supermarket ng lungsod.

Ito ay batay na rin sa ipinabas na kautusan ni City Mayor Myca Elizabeth Vergara.

Layunin lamang aniya ng hakbang na maiwasan ang paglaganap ng COVID -19 sa lungsod.

-MARY ANN SANTIAGO, BELLA GAMOTEA, ORLY BARCALA, at LIGHT NOLASCO