Ibinahagi sa publiko ni Vice President Sara Duterte ang naging pangangati umano ng likod ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte sanhi ng mga pula-pula o “pimple-looking” na lumabas sa naturang bahagi ng balat nito.
Sa naging pahayag ni VP Sara sa The Hague, Netherlands, noong Huwebes, Hulyo 30, 2026, sinabi niyang natuyo na raw ang mga “pimple-looking” sa likod ni FPRRD.
“Cheneck ko siya kanina, cheneck ko ‘yong likod niya, natuyo na ‘yong mga bilog-bilog na mga pula. Noong pagdating ko, sobrang pulang-pula nila. Para silang pimple-looking. Natuyo na siya,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Nagpapasalamat kami kasi inaksyunan kaagad no’ng detention unit.”
Ani VP Sara, bagay raw ito na nakakabahala dahil hindi alam ni FPRRD kung ano ang naging dahilan ng pangangati ng kaniyang likod.
“Is it a cause for concern? Yes. Ni-refer ko siya sa abogado. Kasi sabi ko, hindi ma-explain ni PRRD kung saan nagsimula o kung paano siya nagkaroon ng ganoon. Basta alam niya na lang na nangati daw siya,” aniya.
Dagdag pa niya, higit daw silang nag-iingat para sa kalagayan sa balat ng kaniyang ama dahil diabetic umano ito at bawal masugatan.
“It’s a concern because diabetic si PRRD. So as much as possible, ayaw nating masugatan ang kahit anong parte ng katawan niya,” ‘ika niya.
Pagpapatuloy ni VP Sara, humiling daw siya na dapat ipaalam sa kampo nila ang mismong nangyari sa kaniyang ama upang masabi rin daw nila ito kay FPRRD at maiwasan ang mga bagay na nagdudulot ng naturang pangangati.
“Ang sabi ko sa lawyer, kung puwede sana mapaalam sa amin, sa defense group and sa pamilya, kung ano ‘yon para masabihan si PRRD na iwasan ‘yong mga bagay na magtri-trigger ng ganoon sa kaniyang balat para hindi ma-infect,” saad niya.
“Nangangati lang siya. Gusto niyang ipakamot ‘yong ano sa likod niya, ‘yong mga pula-pula. Sinabihan ko siya na kapag hindi mo maabot, lagyan mo lang ice pack. Mag-request ka ng ice pack, lagyan mo ng ice. Dahil kapag makati, usually, nare-relieve siya sa ice pack,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang kasalukuyang nananatili sa kustodiya sa detention center ng International Criminal Court (ICC) si FPRRD kaugnay sa kasong crimes against humanity na kinakaharap niya dahil sa umano’y naganap na madugong giyera kontra droga noong nakaraang administrasyon.
KAUGNAY NA BALITA: Trillanes, sinagot si VP Sara sa ‘ICC tuta’ isyu: 'Nahihibang na talaga!'
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara kay PBBM: 'May problema ako sa kaniya bilang Presidente dahil he's a weak leader!'