July 31, 2026

Home BALITA National

Trillanes, sinagot si VP Sara sa ‘ICC tuta’ isyu: 'Nahihibang na talaga!'

Trillanes, sinagot si VP Sara sa ‘ICC tuta’ isyu: 'Nahihibang na talaga!'
Photo courtesy: File Photo, OVP

Tumirada si dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV laban sa paratang ni Vice President Sara Duterte na tuta umano niya, kasama si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang International Criminal Court (ICC).

Matatandaang inihayag ito ni VP Sara sa naging pagdalo niya sa ikinasang “Free Duterte” rally ng Filipino community (FilCom) sa The Hague, Netherlands, noong Miyerkules, Hulyo 29, 2026, at hinambing pa niya sina Trillanes at PBBM bilang mga traydor daw sa Pilipinas at sa mga Pilipino.

“How do we characterize Trillanes and Marcos in relation to [the] ICC? Yes, they are traitors to the Filipino and to the country. But more than that, ang ICC ay tuta ni Trillanes at ni Marcos,” tirada ni VP Sara.

KAUGNAY NA BALITA: 'Ang ICC ay tuta ni Trillanes at ni Marcos!'—VP Sara

Sa naging tugon naman ni Trillanes sa kaniyang Facebook post nitong Biyernes, Hulyo 31, 2026, sinabi niyang nahihibang na raw talaga si VP Sara.

National

'Malinaw na malinaw 'yong kaso!' Ombudsman, magkakasa ng imbestigasyon vs Rep. Leviste, Sen. Loren

“Nahihibang na talaga si Sara. Ang ICC ay hindi tuta nino man,” pagsisimula niya.

Screenshot mula sa FB post ni Trillanes.

Depensa ni Trillanes, bunga raw ng inabot ng ilang taong imbestigasyon ang kasong crimes against humanity na kinakaharap ng ama ni VP Sara na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC.

“Ang kaso ni Digong sa ICC ay bunga ng isang malalim na imbestigasyon na inabot ng ilang taon,” aniya.

Pagpapatuloy niya, malinaw naman daw sa mga Pilipino ang totoong pangyayari kaugnay sa libo-libo umanong naganap na patayan sa bansa noong nakaraang administrasyon.

“Bukod pa rito, alam nating mga Pilipino na totoong nangyari ang libu-libong patayan dahil sa war on drugs policy ni Digong,” pagtatapos ni Trillanes.

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa naman inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag si VP Sara kaugnay rito.

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara kay PBBM: 'May problema ako sa kaniya bilang Presidente dahil he's a weak leader!'

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, tumiradang ₱5k lang mag-hire ng gunman sa Pilipinas!