MATAGAL nang dapat pinahaba ang sapilitang edad ng pagreretiro ng ating mga sundalo -- mula sa 56 anyos upang maging 60 o higit pa. Naniniwala ako na ang umiiral na mandatory retirement age na 56 taong gulang para sa mga tauhan ng ating Armed Forces of the Philippines (AFP) ay lubhang mababa, lalo na kung iisipin na taglay pa nila ang lakas ng katawan at talim ng isipan -- bukod pa sa kanilang maalab na pagkamakabayan -- upang gampanan ang kanilang mga tungkulin.
Magugunita na ang nabanggit na compulsory retirement ng ating mga sundalo -- kabilang na ang mga miyembro ng ating Philippine National Police (PNP) -- ay itinakda sa 56 anyos sa ilalim ng Presidential Decree No. 1638 at No. 1650 na nilagdaan noong 1979 noong kasagsagan ng martial law. Marapat nang susugan ang naturang mga batas na sa aking paniwala ay hindi na nakatutugon sa pangangailangan ng panahon.
Nagkataon na isang panukalang-batas -- ang Senate Bill No. 1370 -- ang isinusulong ngayon ni Senador Manny Pacquiao. Napag-alaman ko na ito ang magiging amiyenda sa nabanggit na mga Presidential Decree na talaga namang hindi na angkop sa maagang pagreretiro ng ating mga kawal.
Binigyang-diin sa nabanggit na Senate Bill ang tinatawag na technological advances at medical innovations sa larangan ng medisina; sinasabing ang mga ito ang nagpapahaba ng ating buhay, kabilang na ang soldiers on duty. Napatunayan ito sa mga bansang tulad ng Australia, Belgium at Germany. Ito ang dahilan kung bakit itinaas ng naturang mga bansa ang retirement age ng kanilang mga sundalo na maging 67 anyos.
Sa bahaging ito, ang panukala ni Sen. Pacquiao ay hindi lamang dapat sumakop sa ating mga sundalo kundi maginng sa ating mga pulis. Katunayan, hindi lamang dapat 60 years ang dapat maging retirement age kundi 65 anyos -- tulad ng halos lahat ng kawani ng gobyerno.
Naniniwala ako na ang pagpapahaba ng kanilang serbisyo ay mangangahulugan ng dagdag na biyaya para sa kanilang mga mahal sa buhay; nadadagdagan ang kanilang kinikita habang tumatagal sa paglilingkod.
Marapat ding tambalan ang gayong biyaya ng kailangang disiplina na lalong magbibigay-dangal sa AFP at PNP.
-Celo Lagmay