GRABE pinag-uusapan sa social media ang nabiling headband ni Heart Evangelista sa Quiapo at inirampa pa niya ito sa Paris Haute Couture 2020-2021 Fashion Week kung saan inimbitahan siya.
Pawang mamahaling designers clothes ang suot ni Heart kasama na ang headband bought in Quiapo habang rumarampa sa Paris, France at take note, hindi halatang tig P70 pesos ang presyo kasi nga naman nasanay ang lahat na kapag ang aktres ang may suot ay iniisip ng tao na mamamahalin.
Anyway, may naka-tsikahan kaming malapit kay Heart at nabanggit nga nito na marunong namang magsuot ang maybahay ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ng lokal at hindi mamahaling gamit, depende lang kung paano niya dalhin kaya inakala ng lahat ay branded at mamahalin.
Binanggit din sa amin na may ibang bags na ginagamit si Heart na hindi branded pero kagaya raw ng kilalang brand ng bag na paborito ng lahat.
Nabanggit pa, “ano ka ba, sina (pangalan ng mga kilalang personalidad) mga peke ang gamit nilang bag, akala mo lang genuine hindi, as long as marunong kang tumingin. Ang dami-daming sumo-showbiz na nagsusuot ng peke para lang maging belong sa grupong sinasamahan nila, ang nakakatawa, ‘yung mga nakakakita, alam ang totoo at peke. Kaya kung gusto mong magsuot o gumamit ng peke, make sure na nakatago ang tatak para hindi pansinin or else talk of the town ka, ha, ha, ha.”
Dagdag pa, “si Belo (Dra Vicki) lang ang lahat ng gamit ay original as in.”
Nabanggit pang hindi naman daw itinatago ni Heart kung saan niya nabili ang mga local brand na ginagamit niya at kung magkano ang presyo.
“Mas masarap kayang maging simple lang,” saad pa ng taong malapit kay Heart.
-Reggee Bonoan