July 23, 2026

Home BALITA Probinsya

Bala ng baril at umano'y liham para sa mga bully, natagpuan sa building ng eskwelahan sa Bacolod!

Bala ng baril at umano'y liham para sa mga bully, natagpuan sa building ng eskwelahan sa Bacolod!
Photo courtesy: Contributed photo

Naglunsad ng imbestigasyon ang pulisya matapos matagpuan ang isang live ammunition na hindi pa matukoy ang kalibre at isang sulat-kamay na tumutukoy sa umano'y insidente ng bullying sa loob ng gusali ng senior high school ng isang unibersidad sa Bacolod City noong Hulyo 16, 2026.

Agad na rumesponde ang Bacolod City Police Station 6 upang tiyakin ang seguridad sa loob ng paaralan at magsagawa ng imbestigasyon kasabay ng pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng unibersidad.

Bilang pag-iingat, maagang pinauwi ang mga estudyante upang mabigyang-daan ang pagpapatupad ng mga security protocol sa campus.

Ayon sa pulisya, dalawang estudyante ang nakadiskubre sa live ammunition sa loob ng gusali. Isinuko nila ito sa isang janitor, na siya namang nag-turn over nito sa security guard ng paaralan.

Bukod sa bala, narekober din ng mga awtoridad ang isang sulat-kamay na may nilalamang mensahe kaugnay ng umano'y bullying.

Probinsya

Lalaking umiihi sa gilid, naipit sa pagitan ng 2 container van!

Nilinaw naman ng Bacolod City Police na walang natanggap o naitalang bomb threat na may kaugnayan sa insidente.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Police Regional Office–Negros Island Region (PRO-NIR) upang matukoy kung saan nagmula ang live ammunition at kung sino ang nag-iwan nito at ng sulat sa loob ng campus.

Nakikipag-ugnayan din ang mga imbestigador sa administrasyon ng unibersidad habang nagpapatuloy ang pangangalap ng impormasyon.

Sa ngayon, nananatiling mahigpit ang seguridad sa paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at iba pang kawani habang hindi pa natatapos ang imbestigasyon.

Wala pang inilalabas na impormasyon ang pulisya tungkol sa posibleng suspek o motibo sa likod ng insidente. Ayon sa mga awtoridad, magbibigay sila ng karagdagang detalye kapag may mga bagong resulta ang imbestigasyon.