Isa sa mga pinakanakakatakot na sitwasyong maaaring maranasan ng isang pamilya, ay bigla na lang makakita ng ahas sa loob ng bahay!
Karaniwan itong nangyayari tuwing tag-ulan o kapag binabaha ang mga damuhan at lungga ng mga reptilya, kaya napipilitan silang maghanap ng tuyong mapagtataguan; o kaya naman, kapag masyadong mainit.
Ngunit sa kabila ng takot, mahalagang malaman ang tamang hakbang upang maiwasan ang aksidente at mapanatiling ligtas ang lahat.
1. Huwag mag-panic
Ayon sa mga wildlife at snake safety experts, ang unang dapat gawin ay manatiling kalmado. Karamihan sa mga ahas ay hindi agresibo at karaniwang umaatake lamang kapag nakakaramdam ng panganib o kapag pinupukaw. Ang biglaang pagtakbo, pagsigaw, o pagtatangkang patayin ang ahas ay maaaring magdulot ng mas malaking panganib.
2. Lumayo at huwag itong lapitan
Kapag nakakita ng ahas, agad na panatilihin ang ligtas na distansya. Huwag subukang hawakan, hulihin, o ilipat ito kahit pa sa tingin mo ay hindi makamandag ang uri nito. Maraming kaso ng pagkakagat ng ahas ang nangyayari dahil sinusubukan itong hulihin o patayin ng tao.
3. Ilayo ang mga bata at alagang hayop
Agad na ilayo sa lugar ang mga bata, aso, pusa, at iba pang alagang hayop. Maaari nilang lapitan o guluhin ang ahas, na maaaring mauwi sa pagkakatuklaw sa kanila.
4. Kung maaari, bantayan kung saan ito pumunta
Kung hindi naman delikado, subukang obserbahan kung saan nagtungo ang ahas. Makakatulong ito sa mga responder o wildlife personnel na mas madaling mahanap at maalis ito sa inyong bahay. Gayunman, huwag itong sundan nang malapitan.
5. Tumawag ng eksperto
Ang pinakamainam na gawin ay makipag-ugnayan sa lokal na City Environment Office, Bureau of Fire Protection, Department of Environment and Natural Resources (DENR), o mga awtorisadong wildlife rescuers sa inyong lugar. Maaari ding humingi ng tulong sa mga kinauukulan sa barangay hall para mahuli ang nabanggit na hayop.
Paano maiiwasan ang pagpasok ng ahas sa bahay?
Ayon sa wildlife experts, naaakit ang mga ahas sa mga lugar na maraming daga at iba pang maaaring maging pagkain nila. Upang mabawasan ang posibilidad na makapasok ang ahas sa bahay:
- Panatilihing malinis ang paligid.
- Putulin ang matataas na damo at makakapal na halaman.
- Takpan ang mga siwang at butas sa dingding o sahig.
- Siguraduhing walang infestation ng daga.
- Iwasang mag-imbak ng mga tambak na kahoy, karton, o basura malapit sa bahay.
Hindi lahat ng ahas ay makamandag, at marami sa kanila ang may mahalagang papel sa kalikasan dahil tumutulong silang kontrolin ang populasyon ng mga daga at iba pang peste. Gayunman, dahil mahirap matukoy kung alin ang mapanganib at alin ang hindi, ang pinakamabuting gawin ay panatilihin ang distansya at ipaubaya sa mga eksperto ang pagresponde.
Sa huli, ang tamang kaalaman at mahinahong pag-aksyon ang pinakamabisang paraan upang mapanatiling ligtas ang buong pamilya kapag may ahas na pumasok sa bahay.