“Pilipino ka? Edi magaling ka kumanta?”
Ito ang reputasyon ng mga Pinoy sa buong mundo dahil sa taglay na galing ng mga ito sa pagbirit sa entablado, sa international scene man ito o sa mga lokal na patimpalak.
Ngunit bago sumalang sa spotlight, tila “practice ground” ng marami ay ang pagkanta sa kararaoke, na umaabot pa sa puntong ipinagbabawal na ito ng mga awtoridad paglagpas ng 10 ng gabi dahil sa pag-alingawngaw ng ingay nito sa mga kalsada.
Bukod sa pagiging paraan ng pag-eensayo, ang karaoke ay isa ring stress reliever at bonding moment sa mga reunion at birthday parties.
Dahil dito, narito ang ilan sa mga kantang hindi nawawala sa biritan tuwing “karaoke night” ng bawat magbabarkada o pamilyang Pinoy:
My Way (Frank Sinatra)
Ang classic na kantang ito ay nagsisilbing “‘anthem” para sa maraming nagka-karaoke, partikular ang mga maituturing na “tito,” “lolo,” o “tatay” na sa mga pagtitipon dahil bagama’t mahirap at mataas ang kantang ito, kinakailangan dito ang kumpiyansa sa sarili, na walang duda, ay nag-uumapaw ang maraming Pinoy.
Ang “My Way” ay kinanta ni Frank Sinatra noong 1969.
Total Eclipse of the Heart (Bonnie Tyler)
Isa pa sa mga maituturing na “karaoke classic” para sa maraming Pinoy ay ang “Total Eclipse of the Heart,” dahil sa palaban nitong timbre at mga nota.
Sa kantang ito, maririnig ang mga pamilya o magkakaibigan na bumibirit na tila pang grand finals o solo concert na nila ang pinagtatanghalan.
Ang “Total Eclipse of the Heart” ay kinanta ni Bonnie Tyler noong 1983.
Beer (Itchyworms)
Para sa mga karaoke sessions na may kasamang inuman o kaya’y isang tropang sawi sa pag-ibig, maituturing na perfect ang “Beer” ng Pinoy band na Itchyworms dahil sa “relatable” nitong liriko tungkol sa pagpapakalunod sa alak dahil sa natapos na miserableng relasyon.
Ang “Beer” ay lumabas at agad na sumikat noong 2005.
Basang-basa sa ulan (Aegis)
Ang OPM song na ito ay maituturing na para lamang sa mga biritero at biritera dahil sa mataas nitong timbre at mga nota o kaya’y may mga pinagdadaanan ding pagsubok sa buhay dahil sa mensahe nitong pagbangon sa kabila ng kabiguan.
Ang “Basang-basa sa ulan” ay kinanta at inilabas ng Pinoy band na Aegis noong 1998.
Narda (Kamikazee)
Para sa mga rock genre ang trip, ang kantang “Narda” ay batay sa kilalang Pinoy superhero na si Darna, kung saan ang hinihiling ng mang-aawit na mapansin siya ng “alter-ego” nitong si Narda.
Ang Narda ng Pinoy band na Kamikazee ay inilabas noong 2006.
Ang Huling El Bimbo (Eraserheads)
Para sa “yearners” o mga hindi pa nakaka-move on sa kanilang childhood o teenage crush, swak ang “Huling El Bimbo” ng Pinoy band na Eraserheads dahil sa kwento ng pagbabalik-tanaw nito sa unang pag-ibig ng mang-aawit.
Ang “Huling El Bimbo” ay unang kinanta noong 1995.
Forevermore (Side A)
Para naman sa mga may hinaharana, ang “Forevermore” ay isang OPM ballad na nagpapahayag ng pag-ibig at debosyon para sa iniirog.
Ito ay unang kinanta ng Pinoy band na Side A noong 1995.