Usap-usapan ang mga naging pahayag kamakailan ni Senator-judge Robin Padilla sa gitna ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Tahasan niya kasing inilahad na siya umano ay isang komunista.
“Komunista po ako ha,” diin ng senator-judge.
Nabanggit niya ito kasabay ang usapin hinggil sa Romanov dynasty ng bansang Russia.
Iniugnay kasi ito sa umano’y Operation Romanov—na isa umanong plano upang paslangin si VP Sara.
Pero dahil dito, ano nga ba ang komunismo?
Ayon Sa Encyclopedia Brittanica, ang communism ay isang politikal at ekonomikal na sistema na layong bumuo ng isang classless society.
Ibig sabihin, ang major means ng produksyon ay pagmamay-ari ng publiko—hindi ng pribado o kahit ng gobyerno.
Isa sa pinakatanyag na nagpasinaya ng komunismo sa mundo ay ang German philosopher na si Karl Marx.
Sa katunayan, kinikilala nga siya bilang “father of communism.”
Communist country ba ang Pilipinas?
Batay sa mga tala, ang Pilipinas ay hindi isang communist country.
Ang bansa ay isang demokratiko at republikang nasyon—na may presidensyal na sistema ng pamahalaan.
Kung kaya’t nakaboboto ang mga Pilipino ng mga susunod na lider ng bansa.
Kung gayon, ano-anong mga bansa ang nasa ilalim ng communism system?
Base sa impormasyong inilatag ng Encyclopedia Brittanica, ang mga komunistang bansa sa kasalukuyan ay lima na lamang sa buong mundo: China, North Korea, Laos, Cuba, at Vietnam.
Ayon sa World Population Review, komunista na ang bansang China simula pa noong 1949; Vietnam ay 1954; North Korea ay 1948; Cuba ay 1959; habang ang Laos ay mula pa noong 1975.
Anang source, ang komunismo ay hindi katanggap-tanggap para sa mga bansang kanluranin dahil sa umano’y restrictive, state-controlled na ekonomiyang idinudulot nito.