WALANG pangako ng knockout, ngunit handa si dating world champion Merlito ‘Tiger’ Sabillo na mabigyan ang kababayan nang matikas na laban sa kanyang pakikipagsagupa kay Japanese Sho Kimura ng Japan sa main event ng “Deadly Combination” boxing card ngayon sa Manila Arena sa Sta. Ana, Manila.
Gagamitin ni Sabillo ang pagkakataon na makabalik sa mataas na level matapos magtamo ng magkasunod na kabiguan laban sa kababayan na si Edward Heno at Jing Xiang ng China noong 2018.
Ngunit, mabigat ang hamon na naghihintay kay Sabillo.
“Mabigat din talaga ‘yun kalaban (Kimura) pero gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para manalo. Kung pwede knockout, gagawin ko,” pahayag ni Sabillo sa kanyang pagbisita sa 55th “Usapang Sports” ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) nitong Huwebes sa National Press Club sa Intramuros, Manila.
“Nag-handa naman ako ng mabuti laban sa kanya, kaya tiwala ako na hindi ko bibiguin ang ating mga kababayan,” aniya.
Nagpahayag din ng kahandaan si Kimura sa lingguhang public service sports program na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Community Basketball Association, at Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).
Tulad ni Sabillo, determinado ang 31-anyos na si Kimura, na handang makabawi mula nang mabitiwan ang WBO light flyweight title sa nakalipas na taon.
“I come here to win,” pahayag ng Saitama, Japan-based sa pamamagitan ng interpreter. Tangan niya ang ring record na 18 panalo, dalawang drawat tatlong kabiguan.
Tampok din sa boxing promotion ni Brico Santig ng Highland Promotion ang duwelo sa WBA Asia heavyweight title fight sa pagitan nina Eric Pen ng Cambodia at Alexander “Black Horse” Banawa ng Indonesia; ang WBA Asia super middleweight showdown sa pagitan nina Yuttana Wongda ng Thailand at Dinh Hoang Truong ng Vietnam; gayundin ang WBC International female superflyweight championship tampok sina Kanyanat Chotchun ng Thailand at Hee Jung Yuh ng South Korea