Nagbigay ng matapang na tugon ang Malacañang sa mga pahayag ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano laban kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., hinggil sa kontrobersyal na ₱10,000 ayudang iniuugnay sa senador.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, sasagutin ng pamahalaan ang mga alegasyon ng senador sa pamamagitan ng mga ebidensya at hindi ng mga umano'y walang basehang paratang.
“Bakit hindi kaya makapagpigil sa sarili si Sen. Cayetano sa paggawa ng intriga at mga kwentong walang basehan?” ani Castro.
Dagdag pa ng opisyal ng Palasyo, patuloy umanong naghahain si Cayetano ng mga akusasyong walang sapat na batayan sa halip na pagtuunan ang kanyaing mga tungkulin bilang mambabatas.
Ayon pa kay Castro, “Imbes na ituro ang sarili sa kaniyang kapabayaan sa pagtatrabaho, magtuturo siya ng iba masagip lang ang sarili sa kahihiyan. Ang trabaho niya na 'di niya magampanan ay ipapasa sa iba.”
Ang pahayag ng Malacañang ay kasunod ng mga naging tirada ni Cayetano na si PBBM umano ang mismong umayaw hinggil sa pamamahagi ng ₱10,000 ayuda sa pag-upo niya sa puwesto noong 2022.
"Nagkaroon tayo ng package: yung Bayanihan 1 — ₱10K po yun, two gives of ₱5K. So noong 2021, going into 2022, sabi ko marami pang hindi nakaka-recover, so kaya ng ating budget magbigay. Pero pagkapanalo ni Pres. Marcos, ayaw niya,” paliwanag ng senador.
KAUGNAY NA BALITA: 'Ayaw n'ya!' Sen. Alan, isinisi kay PBBM naunsyaming ₱10K na ayuda