Nakuhang makabawi ng Colegio de San Juan de Letran mula sa malamya nilang panimula upang maigupo ang kanilang kapitbahay sa Intramuros na Lyceum of the Philippines University, 19-25, 25-23, 25-18, 25-22, para sa una nilang panalo
kahapon sa men’s division ng NCAA Season 95 Volleyball Tournament sa FilOil Flying V Center sa San Juan.
Namuno para sa nasabing panalo ng Knights sina Brylle Novo at Michael Doria.
Tumapos si Novo na may 17 puntos bukod pa sa 16 excellent receptions. habang nagposte rin si Doria ng 17 puntos mula sa 14 attacks, 2 blocks at isang ace.
“Actually noong first set nag struggle pa rin eh, pero expected ko naman na mananalo sila ngayon dahil sa pinakita nilang effort kasi last game namin sa Mapua,” ani Letran coach Bryan Esquibel matapos umangat ang Knights sa ikapitong puwesto sa hawak na markang 1-4 panalo-talo kasalo ng San Sebastian.
“Makikita mo naman sa laro namin ngayon, malayong malayo doon sa first four matches namin na very down talaga, ‘yung parang tiwala nila sa sarili, hindi pa ganoon ka-buo. Ngayon kahit nage-error nage-enjoy pa rin sila,” dagdag ni Esquibel.
Nagsilbi namang susi sa panalo si setter Jaypaul Tabbada na nagtala ng 26 excellent sets.
Bunga ng kabiguan, bumaba ang Pirates na pinangunahan nina Kier Tibayan at Jocie Velasco na may tig-13 puntos sa buntot ng standings taglay ang barahang 1-5.
-Marivic Awitan