“HINDI ako ang Gabo na nakilala mo sa Croatia,” ito ang sabi ni Enrique Gil kay Billy (Liza Soberano) nang magkita sila sa Pilipinas.

Enrique at Liza

Ilang gabi naming hindi napanood ang Make it with You nina Enrique at Liza kaya sa iWant namin pinanood ang ilang episodes at nakabalik na pala ng Pilipinas sina Gabo at Billy at nagtayo ng kanya-kanyang bakery.

Akalain mo, ang twist ng karakter ni Gabo na isang mayaman sa ‘Pinas pero nangangalakal ng mga botelyang plastic sa Croatia at kung hindi dahil kay Billy ay hindi siya sisigla ulit. May tampo pala sa tatay niyang si Ian Veneracion.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

At dahil biglang nawala si Gabo at nalamang bumalik ng Pilipinas ay umuwi rin si Billy para magbakasyon at para hindi masayang ang oras ay nagtayo ng sariling panaderya at nagkataong magkatabi pa sila ng pag-aari ng binata at ang kanilang specialty ay ang Pudding na parehong sila ang gumawa ng recipe noong nasa Croatia sila.

Nagulo ang mga bumibili dahil pareho ang lasa at ang tanong ay sino ang nagnakaw ng recipe kina Gabo at Billy.

Ang pagkaka-iba, naka-rehistro ang panaderyang Tinapay Corner ni Gabo, samantalang si Billy ay wala. Mas lalo pang gumulo nu’ng nakialam ang pinsan ng dalagang mahaderang si Cassandra (Riva Quenery) dahil ikinalat sa social media na siya ang gumawa ng pudding.

Hanggang sa nalaman ni Billy ang tunay na pagkatao ni Gabo at galit nag alit na nagsumbong sa kaibigang si Helen (Katya Santos) na nasa Croatia pa.

Sa madaling salita, may legal battle na kakaharapin si Billy sa tulong ng kababatang si Isputnik (Khalil Ramos) na abogado na ngayon at ending siya ang ka-love triangle.

Anyway, aliw ang pamilya ni Billy sa Pilipinas na ninirahan sa Nueva Valencia na sina Vangie Labalan bilang lola at lolo naman si Eddie Gutierrez, si Herbert Bautista ang ama ng dalaga at tiyuhin niya si Hero Bautista na kapatid ng ama.

As expected pawang mga komedyante at komedyana ang pamilya ni Billy kaya sila ang nagpapasaya at nagpapagaan ng pakiramdam ng dalaga kapag stress dahil sa pinagdadaanan nitong problema kay Gabo.

Magaan sa pakiramdam panoorin ang Make it with You at hindi kakabog ang dibdib mo habang pinanonood ito, gayun din ang reaksyon ng mga sumusubaybay dito lalo na ang supporters ng LizQuen.

Isa na ang Make it with You sa most viewed series sa iWant ngayon considering na nakaka-dalawang linggo palang itong umeere.

Nakakataka lang na mas pinapanood pa rin ng nakararami ang TV series na napapanood nila sa free tv kumpara sa mga iWant original series.

Nagtanong kami sa ABS-CBN executive tungkol dito at ang paliwanag sa amin, “yun din ang nagtataka kami, according to research, mas inaabangan pa rin ng marami ang mga palabas sa free TV at muling pinapanood sa iWant. Parang mas doon sila nakaka-relate kaysa ‘yung mga ibang iWant originals.

“Pero ‘yung Bagman series, talagang gustung-gusto ng lahat, ‘yung Momol Nights, Call Me Tita na may season 2 na, ‘yung Glorious, Past Present Perfect, High, Mga Batang Poz.”

Ang mga nabanggit na palabas ay ilan lang sa mga maraming views at pumapasok na itong My Single Lady ni Jodi Sta. Maria na ilang araw palang umeere simula nu’ng i-launch ay libu-libo na rin ang nag-like.

Dagdag pa, “Kaya nga, ‘di ba? Ang hirap kapain, akala namin itong iWant mas maraming millennials ang manonood, hindi pala, same rin ang viewers sa free TV.”

Bilang kabilang kami sa Generation X ay nanonood din kami ng mga programang pang milenyal pero pili lang dahil ‘yung ibang palabas ay bored kami sa rami ng pinagde-debatehan na wala naman kapararakan, baka ganito rin ang pakiramdam ng iba kaya hindi gaanong click ang ibang iWant originals. Pero type namin ang Unlisted nina Robi Domingo at Sue Ramirez dahil educational, wala bang season 2?

-REGGEE BONOAN